Ni MARTIN A. SADONGDONG

May kabuuang 102 drug suspect ang napatay habang 10,088 iba pa ang naaresto ng Philippine National Police (PNP) sa muling paglulunsad ng anti-illegal drugs campaign na tinawag nitong Oplan Double Barrel Reloaded, simula noong Disyembre 5, 2017 hanggang Marso 1, 2018.

Sa press briefing kahapon, sinabi ni Chief Supt. John Bulalacao, tagapagsalita ng PNP, na ang mga napatay na drug personality ay pawang nanlaban umano sa mga aarestong pulis sa kasagsagan ng buy-bust operation, at sa pagsisilbi ng warrants of arrest at search warrants.

Ipinakita sa huling datos ng PNP na ang 14 na nadagdag na nasawi ay simula nitong Pebrero 22 hanggang Marso 1, o sa loob ng walong araw.

“We cannot avoid having deaths during police operations because based on our record, the suspects that are the subject of our police operations are reportedly putting up fight against our arresting officers,” ani Bulalacao.

Misis ng nahuling NBI volunteer, nanindigang walang kasalanan ang asawa

Simula nang tumanggap ang tinaguriang Tokhangers ng mga body-worn camera ay tiniyak ni Bulalacao na mahigpit na imo-monitor ng PNP ang mga pulis sa mga operasyon ng mga ito upang siguruhin na walang malalabag na karapatang pantao.

“Our internal affairs service is doing moto propio investigation for every report of encounter they received. It is also one reason why our operatives are more careful in conducting anti-illegal drugs operations,” dugtong nito.

Aniya, ang Oplan Double Barrel Reloaded ay may dalawang taktika sa pakikitungo sa drug personalities: mahirap ang pagkakasa ng anti-illegal drug operations (buy-bust, service of search warrant or warrant of arrest, dismantling of clandestine laboratories, etc.) at ang madali naman ay ang Oplan Tokhang (pagkatok sa pintuan ng bahay ng hinihinalang sangkot sa ilegal na droga at hihikayating sumuko sa awtoridad at magbagong buhay).

Inihayag pa ni Bulalacao na mananatiling hindi madugo ang Oplan Tokhang sa unang buwan nito matapos maitala ng PNP ang 3,173 pagsuko sa 5,543 operasyon simula Enero 29 hanggang Marso 1.

Sa Police Regional Office (PRO)-10 ang nakapagtala ng pinakamaraming Tokhang activities na umabot sa 1,426, habang 405 naman ang sumuko, na sinundan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na may 463 operation na umabot sa 240 ang sumuko.

Samantala, nasa 12,287 drug personalities ang kabilang sa validated drugs watch list ng PNP simula Disyembre 5, 2017 hanggang nitong Pebrero 15.

“It already includes the HVTs (high-value targets) and those street-level targets, including the drug users. They will be the subject of our Tokhang activities in the future and we expect that they will surrender and undergo rehabilitation,” ani Bulalacao.

“Those who already surrendered, most of them have been given recovery and wellness program by the PNP in coordination with the DoH (Department of Health) and local government units,” giit pa niya.