Ni Ric Valmonte

NAGING definite leave na si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Dahil ang most senior sa mga mahistrado ng Korte ay si Associate Justice Antonio Carpio, siya ngayon ang pumalit bilang Acting Chief Justice.

Naganap pagkatapos ng mainit na en banc deliberasyon na nasentro ang usapin sa hindi pagsusumite ni CJ Sereno ng Statement of Assets and Liabilities Networth (SALN) bago siya nahirang na pinuno ng Korte Suprema. Eh ang SALN ay isa sa mga rekisito ng Judicial Bar Council (JBC) bago pa man isaalang-alang nito ang application ng isang kandidato sa anumang posisyon sa hudikatura. Mukhang hindi na ito pinansin ng JBC dahil masyadong malakas si Sereno kay Pangulong Noynoy. Paano mong masasabing hindi malakas ito, eh sa kabila na siya ang pinaka-junior sa mga mahistrado nang mabakante ang posisyon ng Chief Justice, siya ang hinirang ng dating Pangulo. Kaya, nabakante naman ang posisyon ay dahil naimpeach si dating CJ Renato Corona.

Mahirap talagang baliin ang tradisyon lalo na kung ito ay may kaugnayan sa katarungan at sa ikabubuti ng lahat. Ang tradisyon kasi sa Korte Suprema ay kapag nabakante ang posisyon ng Chief Justice, ang most senior na mahistrado ang siyang hahalili. Totoo, ang Pangulo ang may kapangyarihan humirang sa pupuno sa mabakanteng posisyon. Pero, kung susundin mo ang tradisyon, ang paghirang ay pormalidad na lamang. Basta kung sino ang most senior ay siyang nakatakda nang hiranging maging Chief Justice.

Ang tradisyon ay nakakawing sa batayang prinsipyo ng demokrasya na ang tatlong departamento ng gobyerno - ang lehistura, ehekutibo at hudikatura - ay hiwalay at patas sa isa’t isa. Kaya, idinidikta ng batayang prinsipyong ito na ang pinuno ng Korte Suprema ay malaya at libre sa anumang impluwensiya. Ipinalalabas nito na hindi utang kaninuman ang posisyon ng Chief Justice. Ito ay regalo ng taong bayan sa matagal at matapat na serbisyo ng most senior associate justice.

Dahil dito, inaasahan na sa pagganap niya ng tungkulin bilang Chief Justice kikilalanin niya na ang posisyon ay galing sa taumbayan at maninilbihan siyang tapat sa kanila. Napakahalagang bagay nito sa kanya bilang pinuno ng sangay ng gobyerno na naggagawad ng katarungan.

Dahil ganito ang pinakabuod ng tradisyon, gumawa ito ng paraan para masunod siya. Ito na ang nangyari ngayon sa Korte Suprema. Bagamat Acting Chief Justice si Carpio, Chief Justice pa rin siya dahil para sa kanya ang posisyong ito. Nang matanggal sa pwesto si Chief Justice Corona sa pamamagitan ng Impeachment, ang most Senior Associate Justice na noon ay si Carpio. Ang problema, binaluktot ni dating Pangulong Noynoy ang tradisyon. Hinugot niya sa kailaliman ng kasapian ng Korte si CJ Sereno. Pinakabata at pinakabago si CJ Sereno noon. Kahihirang pa lang sa kanya ng dating Pangulo.

Hindi tayo Pilipino na hindi kumikilala ng kultura ng “utang na loob” kung maniniwala tayo na hindi kikilalaning utang na loob si Sereno kay Pangulong Noynoy ang pagkahirang niya bilang CJ. Kinikilala ito ni Pangulong Duterte kaya nagpupuyos ang galit niya kay CJ kapag binabatikos nito o pinasasaringan ang kanyang ginagawa dahil dilawan daw ito. Pero, dumistansiya siya sa ginagawa ng mga mambabatas na impeachment laban dito. Kung totoo ito, mapapatunayan niya ito sa paghirang niya kay Carpio bilang kapalit ni Sereno.