MALAKING problema para kay United States (US) President Donald Trump ang pagbasura ng US Supreme Court sa petisyon ng kanyang administrasyon kaugnay ng programang “Dreamers”. Ngunit ang mismong isyu — kung ano ang gagawin sa nasa 700,000 kabataang nahaharap sa deportasyon — ay hindi pa rin napagpapasyahan.
Taong 2012 nang ipinatupad ni dating US President Barack Obama ang programang tutulong sa mga anak ng illegal immigrants, karamihan sa kanila ay Hispanics, na pawang lumaki sa Amerika at naging manggagawa sa iba’t ibang kumpanya sa nasabing bansa, lalo na sa California. Ito ay tinawag na Deferred Action for Childhood Arrivals (DACA).
Sa pagkakahalal sa kanya, sinimulang ipatupad ni President Trump ang isang anti-immigrant policy para sa mamamayan ng mga karamihan ay bansang Muslim sa Middle East, at sa mga Mexican, at sa iba pang South American na ilegal na pumapasok sa Amerika sa pagdaan sa katimugang hangganan ng bansa.
Inatasan niya ang Kongreso na ipatupad ang Development, Relief, and Education for Alien Minors (DREAM) Act upang palitan ang DACA program ni Obama. Dahil sa ipinapanukalang batas, nabuhayan ng pag-asa ang 700,000 kabataann na nahaharap sa deportasyon, na tinawag na “Dreamers” dahil sa DREAM bill. Ngunit bigo ang Kongreso na aprubahan ang panukala.
Inihayag ni President Trump na hahayaan niyang mapasô ang DACA program ngayong Marso at sisimulang palayasin ang 700,000 kabataan, na bagamat ilegal na ipinasok sa bansa ng kanilang mga ipinatapon nang mga magulang, ay walang ibang bansang kinamulatan at kasalukuyang naglilingkod sa iba’t ibang negosyo sa Amerika. Gayunman, nagpalabas ang mga federal judge sa San Francisco at New York ng nationwide injunction laban sa mga plano ng administrasyon na tuldukan ang DACA aid program, habang nakabimbin ang usaping legal.
Sa pagnanais na agad matuldukan ang DACA at mapalayas ang 700,000 Dreamers, hiniling ng administrasyong Trump sa Korte Suprema na harangin ang injunction ng mga federal judge sa San Francisco laban sa deportasyon. Ito ang petisyon ni Trump na ibinasura ng korte nitong Lunes, sinabing hindi dapat balewalain ni Trump ang korte ng San Francisco.
Ang pasya ng Kataas-taasang Hukuman ay para irespeto sa administrasyong Trump ang due process. Kinakailangang payagan si San Francisco Judge William Alsup na desisyunan ang isyung legal hinggil sa DACA; hindi ito dapat na balewalain, hindi maaaring madaliin ang proseso.
Ang desisyon ng Korte Suprema ay nagbigay ng pag-asa sa Dreamers at sa marami pang Amerikano na naniniwalang ang kabataang ito ay nararapat na manatili sa Amerika, kung saan malaki ang naiaambag nila sa ekonomiya.
Naunawaan ito ni President Obama kaya tinulungan niya sila sa pamamagitan ng kanyang DACA program, ngunit walang ganoong simpatiya si President Trump sa kanila — at sa lahat ng immigrant — at ngayon ay nagnanais na palayasin sila. Ang naging tugon ng pasya ng Korte Suprema ay ang sundin ni Trump ang legal na proseso at hintayin ang magiging pasya ng mga hukom.
Sa huli, ang solusyon sa problema ay nakasalalay sa US Congress. Maaari itong magpasa ng bagong batas na, kung papalarin, ay magpapanatili sa Dreamers sa Amerika at tatanggap sa iba pang dayuhan — kabilang ang maraming Pinoy — na maraming maiaambag sa Amerika. Nagsimula ang Amerika bilang bansa ng mga immigrant na naghahangad ng mas maayos na buhay kumpara sa nilisan nila sa Europe at sa iba pa. Maaari itong patuloy na makinabang sa mga kontribusyon ng mga bagong immigrant.