Ni Light A. Nolasco
TALAVERA, Nueva Ecija - Arestado ang isang lola nang kumagat umano sa buy-bust operation ng Talavera Police, nitong Miyerkules ng hapon.
Ang suspek ay kinilala ni Supt. Joe Neil Rojo, hepe ng Talavera Police, na si Editha Facundo, 63, alyas “Edit”, ng Barangay Aduas Centro, Cabanatuan City.
Si Facundo ay inaresto ng mga tauhan ni Supt. Rojo sa anti-drugs operation sa Bgy. San Miguel, Talavera.
Nakumpiska sa suspek ang apat na cube ng pinatuyong dahon ng marijuana, at dalawang tig-P100 bill na marked money.
Inihahanda na ng pulisya ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.