Ni Lyka Manalo
SAN JUAN, Batangas – Dead on arrival sa ospital ang isang barangay chairman matapos pagbabarilin ng hindi nakilalang lalaki sa San Juan, Batangas, nitong Huwebes ng gabi.
Ang biktima ay kinilala ng San Juan Police na si Mario Sulit, 56, ng Barangay Hugom, San Juan.
Sa report ni PO1 Richard King Valenzuela, nangyari ang insidente sa garahe ng bahay ng biktima dakong 9:00 ng gabi.
Kauuwi lang at papasok sa bahay si Sulit nang lapitan ito ng isang lalaki at ilang beses na binaril.
Kaagad na tumakas ang suspek, sakay sa isang motorsiklo, patungong Lobo, Batangas.
Nakarekober ang pulisya sa crime scene ng mga basyo ng bala ng .40 caliber.
Kasalukuyan pang sinisiyasat ng pulisya ang insidente.