Ni Czarina Nicole O. Ong

Ipinag-utos ng Sandiganbayan na ikulong ng mahigit pitong taon si dating Noveleta, Cavite Mayor Dionisio Torres kaugnay ng kinasasangkutang malversation case.

Ito ay matapos mapatunayan ng 3rd Division ng anti-graft court na nagkasala si Torres sa paglabag sa Article 217 ng Revised Penal Code dahil sa maling paggamit ng P1-milyon pondo ng bayan mula sa President Social fund (PSF) ng Office of the President.

Bukod dito, inatasan din ito ng korte na magmulta ng P1 milyon na halaga ng nilustay nito, hindi pa kasama ang interest rate na anim na porsiyento kada taon.

Duterte siblings, nag-bonding: 'Always something to be grateful for'

Pinagbawalan na rin si Torres na humawak ng anumang posisyon sa pamahalaan, ayon sa 35-pahinang desisyong ipinonente ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang, at pirmado rin nina Associate Justices Bernelito Fernandez at Sarah Jane Fernandez.

Ipinagkatiwala kay Torres ang nasabing halaga dahil na rin sa kanyang posisyon, at pinahintulutan siyang ideposito ito sa Land Bank sa Account No. 0311-0132-08.

Gayunman, nai-withdraw ng dating alkalde ang naturang salapi at ginamit umano sa pansariling kapakanan.

Sa kabila ng depensa na wala siyang pahintulot na mailabas sa bangko ang salapi ay hindi pa rin pinaniwalaan ng hukuman si Torres.

“Plainly, due to the accused’s failure to account and/or explain the whereabouts of the funds in issue upon demand, the prima facie presumption of misappropriation operates against him. Thus, it is incumbent upon him to aduce satisfactory evidence to rebut the said presumption,” bahagi ng desisyon ng hukuman.

Ayon pa sa korte, irregular ang pagbukas ni Torres ng isa pang hiwalay na bank account na nakapangalan sa munisipyo dahil wala itong pahintulot ng Sangguniang Bayan, gayundin ang pagpirma nito ng mga blangkong withdrawal slip.