Ni Martin A. Sadongdong
Inaresto ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) ang aabot sa 60 tiwaling pulis bilang bahagi ng kanilang internal cleansing program.
Tinukoy ng tagapagsalita ng PNP na si Chief Supt. John Bulalacao ang report ng PNP-CITF at sinabing ang mga pasaway na pulis ay nalambat sa 24 na magkakahiwalay na operasyon alinsunod na rin sa natanggap nilang reklamo ng 10,246 complainants at sa mga impormasyong natanggap nila mula pa noong Pebrero 6 ng nakaraang taon.
Masusi, aniya, ang isinagawa nilang imbestigasyon, case build-up validation at direct police intervention sa mga tinukoy na reklamo na nagresulta sa sunud-sunod nilang aksiyon.
“Among complaints and reports received were 262 extortions, 238 drug-related, six kidnapping, 75 ‘Hulidap,’ 161 illegal gambling, 19 physical abuse, four gun-running, 13 illegal logging, 309 protection racket, nine for unexplained wealth, and 383 other irregularities,” paliwanag ni Bulalacao.
Kabilang din, aniya, sa inaresto ng PNP ang isang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at 19 na sibilyan.
“In addition, CITF investigations led to the filing of administrative cases before the Internal Affairs Service (PNP-IAS) against 29 police personnel, and criminal charges in court against 65 other errant personnel,” pahayag nito.
Pinakamarami, aniya, ang natanggap nilang reklamo mula sa National Capital Region (NCR) na mayroong 471, sinundan ng Calabarzon Region (189), Central Luzon (128) at Central Visayas (84).
Binigyang-diin din ng opisyal na kaya binuo ang PNP-CITF ay upang sumubaybay at magsagawa ng counter-intelligence operations sa mga pulis na sangkot sa iba’t ibang ilegal na gawain.