Ni Jun Fabon

Isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang napatay habang nakatakas naman ang dalawa niyang kasamahan sa buy-bust operation sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang nasawi na si Bryan Montawan, 18, ng Sampaloc, Maynila.

Pinaghahanap ngayon ng mga pulis ang dalawang kasamahan ng suspek na ang isa ay kinilalang si Joel De Leon, Jr., 25, walang tiyak na tirahan sa Maynila.

Nasawi sa Air India nasa 270 na; pagkilala sa bangkay ng mga biktima, nagpapatuloy!

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, dakong 12:30 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa panulukan ng Congressional Avenue at Tandang Sora.

Sinita umano sa lugar ng SDEU personnel ang mga suspek na sakay sa Toyota Vios, subalit bigla na lamang umanong nagpaputok ang mga salarin kaya napilitang gumanti ng putok ang awtoridad.

Minalas na tamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Montawan, na binawian ng buhay sa pagamutan, habang nakatakas naman si De Leon at ang kasamahan nito.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 50 gramo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P100,000, isang .38 caliber revolver, at limang basyo ng bala.