TINUTUKOY ng Konstitusyon ang mga opisyal ng bansa na maaari lamang patalsikin sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment. Sila ay ang Pangulo, Bise Presidente, miyembro ng Korte Suprema, miyembro ng Constitutional Commissions, at ang Ombudsman.
Ang presidential immunity na makasuhan sa korte habang nasa tanggapan ay isang doktrinang kinikilala sa mga demokratikong bansa, kabilang na ang Pilipinas. Nakasaad sa ruling noong 2006 sa ating Korte Suprema na: “Settled is the doctrine that the President, during his tenure of office or actual incumbency, may not be sued in any civil or criminal case and there is no need to provide for this in the Constitution or in law as it is deemed inherent in the Office of the President.”
Dahil sa “equal protection of the law” clause sa Konstitusyon, ang ibang opisyal na kasama ng Pangulo sa listahan sa probisyon ng Konstitusyon sa usaping pagpapatalsik ay hindi rin maaaring kasuhan, na ikinatwiran ng abogado ni dating Vice President Jejomar Binay nang umusbong ang usapin tungkol sa immunity ng Bise Presidente sa Senate hearing noong 2015. Sa simpleng tradisyon lamang nagsimula ang doktrina ng immunity para sa impeachable officials, ayon sa abogado, ngunit sinusunod ito subalit kapag inabuso ay mag-iisyu ang Korte Suprema ng ruling sa pag-aabandona nito.
Ngayon ay nahaharap si Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa impeachment complaint na inihain sa Kamara de Representantes noong Setyembre 13, 2017—limang buwan na ang nakalilipas. Ngayon, inaasahan na nakapagdesisyon na ang Kamara kung ibabasura o isusumite ito sa Senado upang litisin. Ngunit patuloy ang paglilitis sa Kamara at sa mga usaping gaya ng pagtatalaga kay Sereno bilang opisyal ng Philippine Judicial Academy, ang pagkabigo niyang isumite ang kanyang Statement of Assets and Liabilities na nagpapakita ng kanyang kinita bago pa siya italaga sa korte, at maging ang mababa niyang rating sa psychological test nang ikonsidera ng Judicial and Bar Council ang mga kandidato para sa punong mahistrado noong 2012.
Nararapat lamang na nakakalap na ng sapat na impormasyon ang House committee na kinakailangan upang makapagdesisyon ang Korte sa impeachment na isinampa laban kay Chief Justice Sereno, kung siya ay guilty sa “forcible violation of the Constitution, treason, bribery, graft and corruption, other high crimes, or betrayal of public trust.” Ang pagtatalaga kay Sereno, ang pagkabigo niyang iulat ang mga una niyang kinita, at ang mababa niyang psychological rating ay hindi naaangkop sa listahan ng constitutional violations na kinakailangan sa impeachment, pero makapagdedesisyon pa rin dito ang Kamara sa kahit anong paraan. Ang pagpapatalsik ay higit na prosesong pulitikal kaysa judicial.
Kung nararapat siyang tanggalin sa puwesto matapos ang paglilitis at nawalan ng bisa ang kanyang constitutional immunity, kakasuhan siya sa korte ng mga kasong isinampa laban sa kanya sa kasagsagan ng mga paglilitis.
Sa nakalipas na limang buwan, marami ang nanawagan kay Sereno, kabilang ang mga miyembro ng Kongreso at ang mismong Korte Suprema, na magbitiw sa puwesto ngunit nagdesisyon siyang harapin ang impeachment trial sa Senado. Makalipas ang limang buwang paglilitis sa Kamara, kasabay ng pagpapalitan ng press releases na nagkokondena at nagtatanggol sa kanya, panahon na upang mag-move on.
Isumite na ang impeachment complaint sa Senado at simulan na ang paglilitis.