Ni Jun Fabon
Inihayag kahapon ng Social Security System (SSS) na ilan sa mga pensiyonado nito ang maaaring makaranas ng pagkaantala sa pagtanggap ng buwanang pensiyon ngayong Marso.
Ito ay dahil sa pagsasaayos sa E-disbursement System ng ahensiya, na naging sanhi ng pagkabalam ng paglalabas ng pondo sa mga bangko.
Sa kabila nito, tiniyak ng SSS sa mga pensiyonado na matatanggap na ang kanilang buwanang pensiyon simula sa Martes, Marso 6.
Kaugnay nito, humihingi naman ng pang-unawa ang pension fund sa naidulot na abala ng system enhancements na layuning makapagbigay ng mas maayos na serbisyo sa publiko.
Anila, magiging normal ang operasyon at serbisyo sa mga pensiyonado sa oras na makumpleto ang pagsasaayos sa sistema.