Ni Mary Ann Santiago
Ipinagmamalaki ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) na isang linggo nang walang nararanasang aberya sa biyahe ang mga pasahero ng Metro Rail Transit (MRT)-Line 3.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, simula noong Pebrero 21 hanggang sa kasalukuyan ay wala silang naitalang “unloading incidents” sa mga tren ng MRT.
Ito ay dahil na rin, aniya, sa unti-unti nang pagpapalit ng mga piyesa sa mga bagon.
Sinabi ni Tugade na malaking tulong ang mga dumating na bagong spare parts kaya isang linggo nang walang aberya sa biyahe ng MRT.
Unti-unti na ring nadadagdagan ang bumibiyaheng tren sa araw-araw, na mula sa dating anim ay umaabot na sa walo hanggang siyam na bagon.
Kumpiyansa naman si Tugade na magtutuloy-tuloy pa ang pagbuti ng biyahe ng MRT sa mga darating na araw dahil may paparating pang spare parts na kanilang inangkat.
Target ng DOTr na maibalik sa 15 hanggang 21 bagon ng MRT ang bibiyahe kada araw, para lalo pang maging kumbinyente ang biyahe ng mga pasahero.