Ni ANTHONY GIRON

DASMARIÑAS CITY, Cavite – Pinaniniwalaang na-depress ang isang dating overseas Filipino worker (OFW) nang daganan niya hanggang mamatay ang limang-buwang gulang niyang anak, at hiwain sa braso ang isa pa niyang anak na dalagita sa Dasmariñas City, Cavite, nitong Miyerkules ng umaga.

Pagkatapos saktan ang mga anak, ginilitan din ng ginang ang kanyang sarili.

Kinilala ni SPO3 Mary Grace Bendulo, ng Dasmariñas City Police, ang nasawi na si Christina Daniella Lazo.

Probinsya

Lalaking nagnakaw ng manok ng pulis, patay sa engkwentro

Nakaligtas naman ang isa pang anak ng suspek, isang 11-anyos na Grade 5 pupil sa kabila ng tinamong mga sugat sa kamay makaraang hiwain ng inang si Celeflor Palao Luib, 32, ng Desterville Subdivision, Barangay Sabang, Dasmariñas City.

Bukod sa dalagita, ginagamot din sa De La Salle Universtiy Medical Center ang suspek na ginang makaraang gilitan ang sarili at hiwain ang sariling mga kamay at mga binti.

Natuklasan sa imbestigasyon na nakahiga ang mag-iina nang biglang daganan ng ginang ang sanggol sa kama hanggang sa mamatay ito.

Pagkatapos, binalingan nito ang dalagitang anak at hiniwa sa mga kamay nito.

Napapalahaw sa sakit ang bata kaya nagising ang lola ng mga bata, si Floreta Palao Galang, 63, ina ng suspek, kaya iniligtas niya ang apo.

Nagawa ring tumulong ng mga kapitbahay at dinala sa ospital ang mag-iina.

Binanggit ni SPO3 Bendulo na nagkaroon umano ng ka-live-in si Luib na isang Filipino-American US Navy na nakilala nito nang magtrabho ito sa Iraq.

Ayon sa pulisya, posibleng naburyong si Luib sa nasabing karelasyon nito, dahil hindi malinaw kung may komunikasyon pa ang dalawa.

Mismong ang inang si Galang, ang lola ng mga bata, ang nagharap ng mga kasong parricide at frustrated parricide laban sa kanyang anak.