Ni Ellalyn de Vera-Ruiz, Beth Camia, at Aaron Recuenco

Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na makipagtulungan sa Department of Education (DepEd) upang matukoy ang mga batang saklaw ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na binakunahan ng Dengvaxia kontra dengue.

Una nang nagpasaklolo ang DepEd sa Pantawid National Program Management Office (NPMO) ng DSWD upang matukoy ang mga mag-aaral na nabakunahan sa Central Luzon, Central Visayas, Calabarzon, at Metro Manila.

“We tell them to immediately seek medical help from hospitals and health centers,” sabi ni DSWD OIC Secretary Emmanuel Leyco.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tiniyak din ni Leyco na magkakaloob ang DSWD ng ayudang medikal sa mahihirap na pamilya, nabakunahan man ng Dengvaxia ang anak ng mga ito o hindi, alinsunod sa Assistance to Individuals in Crisis Situation ng kagawaran.

WALANG KOORDINASYON

Kaugnay nito, sinabi naman ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty. Persida Rueda-Acosta na walang koordinasyon ang Department of Health (DoH) at ang DepEd kaugnay ng kontrobersiya.

Sinabi ni Acosta na sa simula pa man ay sumulat na ang PAO sa DoH at DepEd upang humingi ng master list ng mga nabakunahan ng Dengvaxia, ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin umanong tugon dito ang dalawang kagawaran.

Matatandaang ilang beses nang napaulat na hindi umano nakikipag-ugnayan ang PAO sa mga ahensiya ng gobyerno sa pagsasagawa nito ng forensic examination at awtopsiya sa ilang nabakunahan ng Dengvaxia na nasawi.

61 NATURUKAN SUMUGOD SA CRAME

Kasabay nito, nasa 61 pulis at kanilang kaanak na nabakunahan ng Dengvaxia noong nakaraang taon ang nagpatulong sa gamutan sa Camp Crame sa Quezon City dahil sa iba’t ibang sakit.

Sinabi ni Senior Supt. Reimound Sales, hepe ng Philippine National Police-General Hospital, na karamihan sa nagtungo sa ospital ay mayroong mga sintomas ng trangkaso, gaya ng pananakit ng mga kasu-kasuan at lagnat.

“Of the 61, most were sent home. They were just advised to continue observation,” ani Sales.

Ang 61 pasyente, ayon kay Sales, ay kabilang sa mahigit 4,000 pulis at kanilang kaanak na nabakunahan ng Dengvaxia noong 2017.