Ni JIMI ESCALA
AYON sa ABS-CBN executive na nakausap namin, hindi papatulan ng Kapamilya Network ang mga patutsada na sinindihan ng kontrobersiyal na libro ni Mark Bautista.
Isa sa maiinit na pinag-usapan sa librong Beyond The Mark ang male friend na blind item o hindi pinangalanan ni Mark Bautista.
Katwiran ng kausap naming exec, karapatan ng kanilang network na protektahan ang kanilang mga talent na nasasangkot sa anumang isyu.
Itinanggi rin ng kausap namin ang isyung banned si Mark sa ABS-CBN. Nagsimula ito nang mapabalita na biglang kinansela ng Dos ang guesting sana ni Mark sa Tonight With Boy Abunda.
Pumayag na raw kasi si Mark na magpainterbyu kay Boy Abunda dahil ito naman talaga ang pinagkakatiwalaan sa entertainment industry. Pero hindi na raw matutuloy.
Samantala, malaking bagay din naman ang interbyu ni Jessica Soho kay Mark last Sunday sa Kapuso Mo Jessica Soho para maintindihan ng lahat ang desisyon ng singer na aminin na bisexual siya.