Nina GENALYN D. KABILING at BETH CAMIA

Si Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang magpapasya kung magreretiro na siya o magbibitiw sa puwesto sa harap ng nakaambang impeachment trial ng Senado laban sa kanya.

Ito ang inihayag ng Malacañang kahapon.

“Hindi ko alam kung entitled to retire because she’s fairly young…Bahala na siya mag-decide sa isyu na ‘yan. Ang panawagan lang natin ay sana po bigyan ng pansin ‘yung institusyon ng Hudikatura,” sinabi kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa press briefing sa Palasyo.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Sinabi ni Roque na umaasa siyang gagamitin ni Sereno ang dalawang linggo nitong indefinite leave upang pagnilayan ang nais nitong iwang pamana sa Hudikatura at ikonsidera ang pinakamabuti para sa Korte Suprema.

‘Sana talagang magmuni-muni si Chief Justice kung ano talaga dapat gawin, dahil hindi naman ito personal na kaso ni Chief Justice. Nakasalalay din dito ang integridad ng Korte Suprema at Hudikatura bilang isang institusyon,” ani Roque.

IWAS-PUSOY

Itinanggi rin ni Roque ang mga panibagong alegasyon na ang Malacañang ang nasa likod ng kaso laban sa Punong Mahistrado, sinabing malinaw naman na mismong kapwa justices ang tumetestigo laban kay Sereno.

“Huwag ituro ang Palasyo sa impeachment na ‘yan, gaya ng kanyang (Sereno) nasabi sa nakalipas na araw,” sabi ni Roque, ngunit nilinaw na ipatutupad ng Ehekutibo ang anumang magiging pasya ng korte sakaling alisin sa puwesto si Sereno sa pamamagitan ng quo warranto proceedings.

Simula kahapon ay naka-indefinite leave na si Sereno upang mapaghandaan ang magiging depensa sa kanyang impeachment trial sa Senado.

NAG-SORRY

Ilang beses na ring tinanggihan ni Sereno ang mga panawagang magbitiw na lang siya sa puwesto—at ito rin ang binigyang-diin niya sa liham niya kahapon upang humingi ng paumanhin sa kalituhan ng kanyang “wellness leave”.

Ang pahayag ay inilabas ni Sereno kasunod ng press statement na inilabas ng 13 mahistrado ng SC tungkol sa kanyang indefinite leave.

Sa kanyang liham na natanggap ng Clerk of Court kahapon, tinukoy ni Sereno na iaawas na lamang ang kanyang indefinite leave sa aprubado niyang wellness leave na ipinalipat niya ng petsa mula Marso 15 patungong Marso 1.

Kasabay nito, kinumpirma ni Sereno na pumayag nga siyang maghain ng indefinite leave simula kahapon, pero binigyang-diin na hindi siya nagbibitiw sa puwesto dahil ang indefinite leave ay hindi, aniya, nangangahulugan ng resignation.

Si Senior Associate Justice Antonio T. Carpio ang acting Chief Justice ngayon.