Ni Ric Valmonte
“HINDI ko sana inaprubahan ang mass immunization noong 2015 gamit ang Dengvaxia kung ipinaalam lamang ng Sanofi Pasteur na ito ay mapanganib sa kalusugan ng mamamayan. Wala akong paraang malaman na ang gamot ay maglalagay sa panganib sa mga taong hindi pa nagkadengue,” pahayag ni dating Pangulong Noynoy Aquino sa House Committee on Good Government and Health na nagiimbestiga sa kaguluhang dulot ng Dengvaxia na gawa ng French pharmaceutical company na Sanofi, Pasteur. Ang tinurang ito ng dating Pangulo ay ang naging pahayag ng Sanofi nito lang nakaraang Disyembre na magbibigay ng grabeng epekto ang gamot kapag itinurok ito sa mga taong hindi pa nagkakasakit ng Dengue.
Para bang sinadyang patunayan ang sinabing ito ng taga Sanofi, may mga nangamatay na. Humihingi ng katarungan para sa kanila ang kanilang mga naulila. Nabakunahan ang mga namatay nang ilunsad ng Department of Health (DoH) ang mass immunization program nito na nagkakahalaga ng P3.5 billion noong Abril 2016 gamit ang Dengvaxia. Ang pagkamatay ng mga bata ay ibinibintang sa pagkakabakuna sa kanila ng nasabing gamot. Batay sa naging bunga ng awtopsiya na ginawa ng doktor ng Public Attorney’s Office (PAO), pare-parehong ang ikinamatay ng mga bata: pamamaga at pagdurugo ng pare-pareho nilang mga internal organs. Pero, sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Health Committee, sinabi ng mga taga-Sanofi na hindi maliwanag ang koneksiyon ng pagkamatay sa itinurok na gamot.
Ang nangyayari ngayon dito sa Dengvaxia ay parang Mamasapano. Sa pagkamatay ng SAF 44 sa misyon nilang madakip ang teroristang si Marwan, iba’t ibang ahensiya ng gobyerno ang nagsagawa ng imbestigasyon. Sa Dengvaxia, bagamat may imbestigasyong ginagawa ang DoH, mayroon din ang PAO. Inatasan din kasi ito ni Department of Justice Secretary Vitaliano Aguirre na gumawa ng sariling imbestigasyon. Sa mga nag-iimbestiga sa mga namatay na naturukan ng Dengvaxia, sa PAO lamang ipinagkatiwala ng mga namatayan ang pag-aawtopsiya sa bangkay ng mga ito. May mga gustong mag-awtopsiya, pero tinanggihan sila ng mga kaanakan ng mga namatay. Dahil lalong nagugulo ang isyu, may mga nananawagan sa mga nag-iimbestiga na pag-isahin ang kanilang imbestigasyon at pagsamahin ang mga nakalap nilang impormasyon at ebidensiya upang tumibay ang kaso laban sa Sanofi, na ang gamot nitong Dengvaxia ang sanhi ng kamatayan ng mga naturukan nito.
Nanawagan din si DoH Secretary Francisco Duque kay PAO Chief Persida Acosta na makiisa at bigyan siya ng mga ebidensiya na nakalap ng PAO lalo na iyong resulta ng ginawa nitong awtopsiya. “Bakit ako sasama sa kanila,” sagot ni Atty. Acosta, “eh ang DoH ang nagpabakuna ng gamot ng Sanofi.” Sa madaling salita, ayaw ng PAO lawyer na maluto ang kaso. Dahil dito, nagbigay si Acosta ng gabay sa taumbayan. Kung marubdob ang pagnanasang papanagutin ang Sanofi at itaguyod ang hangarin ng mga naulila na makamit ang katarungan, na kay Acosta na ito. Sasama ba siya kay Duque o hiwalay niyang ipaglalaban ang interes ng mga namatayan? Kapag sumama siya kay Duque, alam na ng taumbayan ang mangyayari sa kaso laban sa Sanofi.