Ni Dave M. Veridiano, E.E.
ANG matunog na katagang “bolahin mo ang lelong mong panot” ang naging bukambibig halos ng mga taong nakausap ko na paroo’t parito sa mga mataong lansangan sa Metro Manila, bilang reaksyon nila sa inanunsiyo ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na bumaba umano ng malaking porsiyento ang kriminalidad sa Metro Manila, dahil sa pinaigting na giyera kontra droga ng mga pulis.
Ito ang saloobin ng mga tao na – karamihan ay mga vendor, driver, pasahero at security guard – na madalas kong personal na makahuntahan at mapakinggan nang tinatawag kong mga DAMDAMING BAYAN, tuwing maglilibot ako sa mga mataong lugar na malapit sa mga palengke at talipapa, terminal ng mga sasakyan, paligid ng mga mall at Simbahan, dito sa Metro Manila.
Nagko-commute lang ako para marating ang mga ito. Sila kasi ang gusto kong unang nilalapitan at tinatanong, lalo pa’t ang pinag-uusapan ay ang seguridad at katahimikan sa Metro Manila. Naniniwala akong ang kanilang tinig ay napakahalaga sa mga isyung ganito, dahil sila ang mas nakakakita sa mga nangyayari sa paligid, kaya’t nararapat lamang na pakinggan ang kanilang mga damdamin.
Napakunot ang aking noo, nang ipangalandakan ng mga pulis sa NCRPO na pinamumunuan ni Director Oscar Albayalde, na malaki ang ibinaba ng kriminalidad sa Metro Manila, simula nang ibalik sa Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa droga!
Bago ko pa lamang kasi marinig ang announcement na ito ni Albayalde ay may nakuha na akong DAMDAMING BAYAN na kabalintunaan naman nang pahayag nito.
Ayon kay Albayalde maganda ang resulta ng pinaigting na anti-drug campaign, simula ng ibalik sa NCRPO anti-drug operatives ang pakikipaglaban sa sindikato ng ilegal na droga sa Metro Manila. Nakatulong umano ito sa malaking pagbaba ng mga kaso ng robbery/holdup at iba pang petty crimes.
Sabi ni Albayalde: “Napakaganda…continues ang pagbaba ng crime trend sa Metro Manila, partikular yung robbery holdup bumaba ng 60 percent.”
Dagdag pa ni Albayalde, maging ang kaso ng theft ay halos umabot sa 64% ang ibinaba. Lumalabas na nag-aaverage na lamang sa 100 hanggang 110 insidente mula sa dating 177 kaso.
Maging ang mga kaso ng nakawan ng mga sasakyan – lalo na yung mga SUV -- na dati-rati ay napakataas ang posiyento ng mga naka-carnap sa Quezon City, ay sobrang bumaba, at kadalasan ay nagse-ZERO incident pa umano sa ngayon…Pagmamalaki ni Albayalde: “Malaki talaga ang pagbabago sa peace and order sa NCR!”
Sa aking pakikipagkuwentuhan naman sa mga tao – naidaing nila na malala raw ang mga petty crimes, na gaya ng snatching, robbery-hold-up, tutok-kalawit, agaw-bag ng mga naka-motorsiklo o riding-in-tandem, at mga biktima ng ipit-gang, sa kanilang lugar. Ang problema – ang mga naging biktima ay palaging nagmamadali, ayaw nang maistorbo kaya’t ‘di na nagrereklamo sa mga pulis.
At dahil walang complainant, bagansiya lang ang kaso laban sa mga suspek. Ngunit mas madalas, nagiging palabigasan na lamang sila ng mga tiwaling pulis sa presintong nakasasakop sa kanilang mga lugar.
Reklamo pa nga ng ilang vendor, nabibiktima rin daw silang madalas ng mga salisi gang. Ang hinala nila, ito yung mga “batang yagit” at mga “batang hamog” na bumalik sa dating bisyo ng pag-singhot ng rugby at iba pang solvent, nang mawala na yung kanilang mga pinagkakakitaan bilang “runner” ng mga tulak ng droga sa kanilang lugar.
Karamihan sa mga batang ito, sumuko sa Oplan Tokhang upang magbago. Nguni’t matapos maisama sa estadistika, nagpakalat-kalat na lamang muli sa mga lansangan. Dahil walang kumalinga sa kanila para mareporma, nagsipagbalik sa dating gawi. “Ang mandugas sa kalsada!”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]