Ni REY G. PANALIGAN, at ulat ni Chito A. Chavez

Si Supreme Court (SC) Senior Justice Antonio T. Carpio ang tumatayo ngayong acting Chief Justice (CJ) ng Korte Suprema makaraang maghain ng indefinite leave of absence si Chief Justice Maria Lourdes P. A. Sereno, na kinailangang paghandaan ang paglilitis sa impeachment complaints na inihain laban dito.

Bilang acting Chief Justice, si Carpio—na chairman ng SC second division at pinuno ng Senate Electoral Tribunal (SET)—ang magiging acting chairman ng Presidential Electoral Tribunal (PET) at Judicial and Bar Council (JBC).

Si Justice Teresita Leonardo de Castro naman ang working chairperson ng first division, habang si Justice Presbitero J. Velasco, Jr. ang pinuno ng third division ng kataas-taasang hukuman. Si Velasco rin ang chairman ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Isinilang sa Davao City, si Carpio ay itinalagang mahistrado ni noon ay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Oktubre 26, 2001, sa kanyang ika-52 kaarawan. Magreretiro siya sa Oktubre 26, 2019 sa edad na 70, ang mandatory retirement age para sa mga miyembro ng hudikatura.

Ang indefinite leave ni Sereno ay naging pormal sa liham na ipinadala niya kay Deputy Clerk of Court Anna-Li Papa Gombio nitong Martes.

Sa kanyang liham, sinabi ni Sereno: “On the matter of my leave, please take note that due to the demands of the Senate trial where I intend to fully set out my defenses to the baseless charges, I will take an indefinite leave, until I shall have completed my preparation for the Senate trial….”

Aniya, ang bahagi ng kanyang indefinite leave ay sasaklawin ng kanyang wellness (health) leave simula Marso 1 hanggang 15, 2018, na unang itinakda ng Marso 12-23, 2018.

Kabilang sa malalaking kaso na nakabimbin sa SC ang mga petisyon sa drug war ng pamahalaan, ang tungkol sa bakuna kontra dengue na Dengvaxia, ang kaso ng droga na laban kay Senator Leila de Lima, ang mga kaso ng Mamasapano, at ang mga petisyon kontra sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Marso 19 sisimulan ng PET, na binubuo ng lahat ng SC justice, ang ballot recount sa electoral protest ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban kay Vice President Leni Robredo.

Kasabay nito, binigyang-diin ng kampo ni Sereno na tanging ang Senado ang maaaring magpatalsik sa puwesto sa Punong Mahistrado.

Ito ang sinabi ni Atty. Jojo Lacanilao, tagapagsalita ni Sereno, kaugnay ng mga espekulasyon na maaaring ma-impeach ng Kongreso ang Punong Mahistrado, na kasalukuyang naka-leave.

Sa press conference sa Quezon City, sinabi ni Lacanilao na hindi mananatili sa puwesto si Sereno kahit na isang araw sakaling mapatunayan ng Senado na nagkasala ito sa mga akusasyon ni Atty. Lorenzo Gadon.