Ni Erik Espina
NAKASAAD sa Artikulo 15 Ang Pamilya, sa ilalim ng kasalukuyang Saligang Batas, “Seksyon 1. Kinikilala ng Estado ang pamilyang Pilipino na pundasyon ng bansa. Sa gayon, dapat nitong patatagin ang kaisahan ng pamilyang Pilipino at aktibong itaguyod ang lubos na pag-unlad niyon. Seksyon 2 Ang pag-aasawa, na di malalabag ng institusyong panlipunan, ay pundasyon ng pamilya at dapat pangalagaan ng Estado”.
Ito ang pangunahing atas at batayan, kung bakit ang konsepto ng diborsyo ay mahirap na makalusot sa Pilipinas.
Matatandaan na ang Simbahan ay kontra sa anumang pagsusog na maaring magbukas ng pinto sa paghihiwalay ng mag-asawa.
Sobra sa 80% ng ating populasyon ay Katoliko at Kristiyano. Hindi tayo tulad ng kanluraning bansa, halimbawa sa Estados Unidos, na sa loob ng anim na buwan, basta nagkasundo ang mag-asawa sa tinaguriang “irreconcilable differences”, tapos agad ang proseso. Dito sa Pilipinas, pinapayagan ang separation at annulment. Sa una, binibigyang bisa ng Korte ang pagbubukod ng tirahan at buhay ng dating mag-irog, subali’t kasal pa rin sila sa mata ng batas. Sa pangalawa, tuluyang pinapawalang bisa ang kasal dahil itinuturing na wala talagang naganap na pag-iisang dibdib at isip sa simula pa lang, kahit pa nagkaroon ng magarbong seremonyas.
Kadalasang saligan nito, “psychological incapacity”. Ibig sabihin, may lamat ang kaisipan ng isa o ng dalawang magkasintahan para ganap na maunawaan ang pinapasukan nitong relasyon at pananagutan. Bumibilang ng dalawang taon bago pa maaprubahan ng Korte ang ganitong mga petisyon, liban pa sa napakamahal na proseso.
Kaya, noon pa, sa gitna ng bangayan sa pagitan ng Kongreso at Simbahan, sinulatan ko ang ilang kakilalang Congresswomen at Senadora na imbes na diborsyo ang ipilit, magpasa nag batas kung saan kikilalanin ng Estado ang mga “annulment” ng Simbahan. Kada araw, lampas 30 ang naghahain ng annulment sa Church Marriage Tribunal. Pinapatas ko lang ito kahalintulad ng pagkilala ng pamahalaan sa hiwalayan ng Islam. Yuong mga nakasungkit ng annulment sa Catholic Church, hindi na kailangan gumastos ng malaki at mahimpil ng matagal, upang ganap na maging malaya sa buhay.