Ni Angelli Catan
Naglabas ang Departament of Transportation (DOTr) ng digital chatbot hotline, sa pamamagitan ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT), kung saan maaaring isumbong ng publiko ang mga lumalabag sa batas-trapiko tulad ng smoke-belching, illegal parking, at iba pang traffic violations. Ito ay tinawag nilang “Sumbong Bulok, Sumbong Usok”, na bahagi ng modernization program ng gobyerno upang mas mapabilis at maging malawakan ang pagresponde nila.
Ang chatbot hotline ay makikita sa Facebook page ng I-ACT at doon ay maaari nang magpadala ng mensahe. Parang tao ang kausap sa chatbot at nagbibigay ito ng mga automated na sagot.
Sa unang gamit nito, pindutin ang Get Started at lalabas ang disclaimer na nagsasabing huwag gumamit ng cell phone kapag nagmamaneho at gamitin lamang ang chatbot kapag legal na naka-park ang sasakyan, o kung isang pasahero. Matapos nito, may lalabas na tatlong kategorya ng pakay sa chatbot: Send Report, Check Concern Status at Announcements.
Ang Send Report ang pinakamagagamit ng publiko dahil dito sila makapagsusumbong ng mga pasaway sa batas trapiko. May limang kategorya ng ire-report: Sumbong Bulok/Usok, Illegal Parking, Colorum Vehicles, Illegal Vendors, at Others.
Pagkatapos, magtatanong ang chatbot kung gusto bang mag-iwan ng paunang mensahe o hindi, at tatanungin din kung nais magbigay ng contact number o email. Kasunod nito, hihingiin ang lokasyon ng nagre-report gamit ang GPS ng cell phone. Matapos nito ay pupuwede nang ipadala sa DOTr ang larawan o video ng gustong ireklamo. Bukod sa DOTr, tatanggapin, ipoproseso at reresolbahin din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang reklamo.
Para mag-follow up ng reklamo o report, pindutin ang Check Concern Status para malaman kung naproseso na ang reklamo.
Ang kategoryang Announcements naman ang magbibigay ng mga link ng mga artikulo ng bagong balita o impormasyon sa website ng DOTr.
Sakali namang nagkamali, maaaring ulitin ang transaksiyon sa chatbot sa pagpindot sa Reset, at i-type ang salitang “Hello” upang bumalik ito sa umpisa.
Ang programang ito ay malaking tulong para sa mga nakakita o nakaranas ng mali o ilegal na pangyayari sa kalsada. Mas mapapabilis ang pagresponde at pagresolba sa mga problema na makatutulong sa pagkakaroon ng positibong pagbabago sa ating mga kalsada at sa trapiko.