Ni Mary Ann Santiago
Inihayag ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada ang bagong polisiya na mag-e-exempt sa mga senior citizen sa pagbabayad ng parking fee sa lahat ng establisimyentong saklaw ng Maynila, gayundin sa color coding scheme.
“The council and I have agreed that elderly, who are 60 years old and above be exempted from parking charges and exemption from color coding scheme,” lahad ng alkalde.
Paliwanag ni Estrada, nararapat lamang na mabigyan ng mga benepisyo ang matatanda bilang pagtanaw ng utang na loob at gantimpala na rin para sa kanilang mahalagang ambag sa lipunan noong mga taon ng kanilang kabataan at kasiglahan.
Kaugnay nito, inihayag din ni Erap na malapit na niyang simulan ang taunang “Balik Saya Program” para sa lahat ng matatanda sa Maynila.
“Magkakaroon tayo ng nomination at pipili tayo ng Lola or Lolo Achievers. In our culture respect for elders is paramount. Atin pararangalan ang mga lolo at lola na may ginawang kahanga-hanga at nagbigay ng karangalan sa ating lungsod,” ani Estrada.
Simula noong Pebrero 2017 ay tumatanggap ang mga senior citizen sa Maynila ng libreng serbisyong medikal, dental at iba pang laboratory test sa mga ospital at klinika ng siyudad.
Binibigyan din sila ng mga libreng maintenance medicine para sa hypertension, diabetes, arthritis, cholesterol, ubo, sipon, lagnat at iba pang karamdaman.