Ni Ariel Fernandez

Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BoC) ang mahigit P8 milyon halaga ng kahun-kahong glutathione at iba pang beauty products sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City, kahapon.

Ipinakita mismo ni BoC Commissioner Isidro Lapeña sa media ang nakumpiskang 48 kahon ng glutathione at beauty products na nagkakahalaga ng kabuuang P8.65 milyon, matapos na ideklara ng consignee ang mga ito bilang personal effects. 

Sinabi ni Lapeña na ang consignee ay kinilalang si James Malinao Halasan, na bumiyahe sa mula Bangkok, Thailand patungong Maynila, sakay ng flight PR731 nitong Pebrero 13 subalit nag-isyu ng alert order si Atty. Vincent Phillip Maronilla, district collector ng NAIA para sa umano’y misdeclaration. 

National

Disyembre 26, 2024 hindi idedeklara bilang holiday – Malacañang

Dalawang shipment ni Halasan, na tumitimbang ng 927 kilo at 1,120 kilo, na naihain sa ilalim ng informal entry, ang nagpakita ng imahe ng iregularidad sa kasagsagan ng x-ray examination. 

Batay sa ulat, si Halasan ay nakatira sa Victoria 1 GMA Kamuning, Quezon City habang natukoy naman ang customs broker niya na isang Isagani Cortez. 

Ayon pa sa BoC chief, ang customs examiner, kasama ang mga tauhan ng Enforcement and Security Service, X-ray Inspection Project, at Customs Anti-Illegal Drugs Task Force ay masusing sinuri ang mga package at dito natuklasang misdeclared items ang mga ito. 

Ang ibang shipment ni Halasan ay pinigil muna ng BoC-NAIA na idineklarang mga personal effect subalit hinihinalang naglalaman ng katulad na misdeclared beauty products. 

“To ensure that his packages will not slip under our sleeves, BOC already issued an alert order on the remaining 8 packages,” ani Lapeña.