ANG Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Act o RA 7898 ay pinagtibay noong Pebrero 23, 1995, sa panahon ni Pangulong Fidel V. Ramos, at pinaglaanan ng P50 bilyon budget para sa 15 taon. Natigil ang pagpopondo sa kasagsagan ng Asian financial crisis noong 1997 at binalewala ng mga sumunod na administrasyon ang nasabing programa hanggang sa mapasô ito noong 2010.
Isang bagong AFP Modernization Act, ang RA 10349, ang pinagtibay noong Disyembre 11, 2012, sa panahon ni Pangulong Benigno S. Aquino III, at pinaglaanan ng budget na P75 bilyon para sa unang limang taon ng 15-taong programa. Sa panahon ng bagong programa na ito bumili ang Pilipinas ng mga bagong eroplano, helicopter, barkong pandigma, armoured personnel carrier, rocket launcher, at mga radyo, baril at bala.
Nagsagawa noong nakaraang linggo ng pagdinig ang Senado tungkol sa pagbili ng apat na barko mula sa South Korea sa halagang P18 bilyon, partikular sa akusasyong tinangka ni Special Assistant to the President Christopher Go na impluwensiyahan ang nasabing kasunduan. Itinanggi niya ang alegasyon, at sinabing ang naturang kasunduan ay nakumpleto noon pang panahon ng administrasyong Aquino.
Sa nasabing pagdinig, ibinunyag ni Rear Admiral Robert Empedrad, flag-office-in-command ng Philippine Navy, na ang apat na barkong pandigma ay bahagi pa lamang ng plano para sa Philippine Navy. Sinabi niyang nangangailangan ang PN ng anim pang barkong pandigma, na armado ng mga missile, sa susunod na sampung taon.
Sa pagdinig sa Senado ay nanawagan si Admiral Empedrad na magkaroon ang bansa ng sarili nitong mga submarine na, ayon sa kanya, ay magiging kapaki-pakinabang bilang naval warfare. Sa pamamagitan ng mga submarine, aniya, ay makukuha ng Pilipinas ang respeto ng iba pang mga bansa at ng mga hukbong sandatahan sa daigdig.
Sa nakalipas na mga taon, tinutukan ng limitadong pondo ng militar ng Pilipinas ang mga bakbakan sa lupa laban sa mga puwersa ng rebelde. Ang iilan nitong eroplano ay ginamit upang suportahan ang mga operasyong ito ng mga labanan. Subalit ang bansa ay isang archipelago ng mahigit 7,000 isla at may iilang barko lamang ang Philippine Navy upang magpatrulya sa mga karagatan sa paligid ng bansa.
Sa panahon pa lamang ng administrasyong Ramos ay pinlano na ng bansa ang modernisasyon ng Sandatahang Lakas, subalit dahil sa problema sa pondo ay naipagpapaliban ang implementasyon nito. Ngayon, makalipas ang 23 taon, sa ilalim ng administrasyong Duterte, kumikilos na ang pamahalaan upang ipatupad ang programa, na kinakailangan makipagkumpetensiya sa iba pang programa ng gobyerno sa imprastruktura, edukasyon, kaunlarang pang-ekonomiya, at iba pa.
Sa wakas ay ipinatutupad na natin ang programa, binibili na natin ang kagamitang labis nating kinakailangan, gaya ng mga baril para sa Army, mga eroplano para sa Air Force, at mga barkong pandigma para sa Navy. Sa larangan naman ng submarines, wala ito sa alinmang programang saklaw ng AFP Modernization Act of 2012 na ipinatutupad natin ngayon.
Subalit ang ideya ay karapat-dapat na ikonsidera at masusing pag-aralan, bilang bahagi ng pagpapalakas ng Navy para sa ating islang bansa. Gaya ng sinabi ni Admiral Empedrad, ang mga submarine ay magiging pangunahing pangangailangan sa naval warfare. Higit sa ano pa man, magbubunsod ito ng mataas na respeto mula sa ibang bansa na dati nang minamaliit ang ating kakayahang ipagtanggol ang ating bansa.