Ni Angelli Catan
Marso na ulit, at gaya ng dati ay ipinagdiriwang natin ang Fire Prevention Month.
Pero hindi ibig sabihin nito ay tuwing Marso lang tayo mag-iingat laban sa sunog. Laging nagpapaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) na mag-ingat sa sunog, at ngayong Marso ang pinakamainam na panahon upang mas paigtingin ang pagbibigay ng babala at impormasyon sa mga tao.
Ang slogan ng BFP ngayong taon ay, “Ligtas na Pilipinas, ang Ating Hangad, Pag-iingat sa Sunog sa Sarili Ipatupad.” Taun-taon ay iisa lang ang layunin ng BFP, ang mabawasan at maiwasan ang pagkakaroon ng sunog at maging ligtas ang lahat.
Maraming kailangang tandaan upang makaiwas sa sunog pero ito ang ilan sa mga paalala mula sa BFP:
1. Siguraduhing napatay ang kalan at naisara ang LPG tank pagkatapos magluto, at bantayang mabuti ang niluluto.
2. Kaagad patayin ang kalan kapag napansin ang pag-usok ng mantika at palamigin ito sandali bago simulang magluto ulit.
3. Kung sakaling umapoy ang niluluto, huwag itong buhusan ng tubig. Agad itong takpan ng tela o basahan.
4. Iwasan ang overloading ng mga electrical na saksakan at wirings. Ang konting gasgas sa wires, maluwag na switch o mainit na saksakan ay maaaring maging sanhi ng sunog.
5. Huwag nang gamitin ang mga sirang appliances at ayusin ang mga sirang wirings. Mabuting ipatingin kada apat na taon ang mga electrical wirings, pero humingi lamang ng tulong sa mga lisensuyadong electrician.
6. Huwag ipagsawalang-bahala ang mga palatandaan na maaaring pagmulan ng sunog tulad ng patay-sinding ilaw, sparks at pag-iinit ng mga wire o plug, pangangamoy-sunog, o pangingitim ng mga switch o saksakan.
7. Maaari ring maging sanhi ng over voltage ang biglang pagkakaroon ng kuryente matapos ang mahabang brownout kapag nakabukas ang inyong mga linya.
8. Mag-ingat sa paggamit ng kandila. Huwag itong ipatong sa mga gamit na madaling masunog. Patayin agad ito pagkatapos gamitin.
9. Laging inspeksyunin ang LPG tank at hose upang malaman kung may butas ba ito, sira o tagas. Siguraduhing napatay o naisara na ang regulator ng LPG pagkatapos itong gamitin.
10. Huwag matataranta kapag biglang masunog o mag-apoy ang hose ng LPG. Takpan lamang ito ng basang tela at isara ang regulator.
Paalalang muli ng BFP, para makaiwas sa sunog ay kailangang laging maging alerto at maging handa. Sa ating tahanan at sa ating mga sarili dapat mag-umpisa ang pag-iingat.
Para sa karagdagang impormasyon at mga announcements, mag-update sa BFP sa Facebook, o bumisita sa bfp.gov.ph.