PINANGUNAHAN ni Davao City Mayor Sara Duterte Carpio ang Tapang at Malasakit Alliance nitong weekend sa Macau at Hong Kong, China, kung saan siya sinalubong ng nagpapalakpakang grupo ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Pinasalamatan niya ang mga OFW dahil sa suporta ng mga ito sa kanyang ama, si Pangulong Duterte, sa eleksiyon noong 2016, at sa kanilang patuloy na sakripisyo sa pagtatrabaho sa dayuhang bansa upang may ipantustos sa kani-kanilang pamilya. Kasama niya sina Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano, Taguig Rep. Pia Cayetano, Taguig Mayor Lani Cayetano, Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte, Public Works Undersecretary Karen Jimeno, Communications Assistant Secretary Mocha Uson, ang aktor na si Robin Padilla, at kapatid niyang si Sebastian Duterte.
Sa kasagsagan ng paghihinagpis ng bansa dahil sa pagkamatay ni Joanna Demafelis sa Kuwait, ang palakpakang sumalubong kay Mayor Sara ay pagsalubong sa pagbabago para sa mga OFW. Ang madlang nagtungo sa Chan Meng Kam Theater sa Macau upang makita ang alkalde ay nanawagan na tumakbo siya sa pagkapangulo, kapag natapos ang termino ng kanyang ama sa 2022. Ngunit hindi tinanggap ng alkalde ang panawagan at mas malaki ang posibilidad na tumakbo siyang kongresista sa kanyang distrito sa 2019.
Ngayong buwan, nakipagbatuhan ng matatalim na salita si Mayor Sara kay House Speaker Pantaleon Alvarez, makaraan niyang buuin, kasama ang apat bang gobernador sa rehiyon ng Davao—sina Antonio del Rosario ng Davao del Norte, Tyrone Uy ng Compostella Valley, Nelson Dayanghirang ng Davao Oriental, at Claude Bautista ng Davao Occidental – ang bagong regional party, ang Hugpong ng Pagbabago. Malinaw na ayaw ng Speaker ng anumang kabawasan sa katapatan sa national administration party na PDP-Laban, kung saan siya ang secretary-general, at itinuturing na niyang bahagi si Mayor Sara ng oposisyon. Itinanggi niyang nagbitiw siya ng naturang salita, ngunit sinabi ng alkalde na mayroon siyang sources.
Sa lahat ng kontrobersiyang umiikot sa kanyang pagbuo ng regional party, mukha mang baguhan at bata si Mayor Sara, determinado naman siyang kalabanin ang mukha ang oposisyon mula sa matagal at kilala nang mga pulitiko gaya ni Speaker Alvarez. Bago niya itinatag ang Hugpong ng Pagbabago regional party, pinangunahan niya ang paglulunsad ng kilusan, ang Tapang at Malasakit Alliance of the Philippines, sa Taguig City noong Oktubre 2017.
Dahil sinira ng batas militar ang itinatag na sistemang pulitikal noong 1972, hindi na gaanong naging epektibo ang mga partidong pulitikal sa Pilipinas, na binubuo ng mga pulitikong pinag-isa ng mga prinsipyo sa pagbuo ng partido.
Nangungunang partido ngayon ang PDP-Laban dahil kinupkop nito si Pangulong Duterte noong 2016 at siya ay nanalo. Sa kasalukuyan, nagsisilbi ito bilang tagapamatnubay at tagapag-isa ng ng iba’t ibang lider, na handang lumipat sa susunod na partido ng administrasyon.
Umangat si Mayor Sara mula sa pagiging lokal sa regional na lider dahil sa kanyang Hugpong ng Pagbabago. Mistula mang hilaw pa ang panawagan ng mga OFW sa Macau at Hongkong na kanyang pagtakbo sa pagkapangulo, siya ay itinuturing bilang isang bagong puwersa sa national affairs, indibiduwal na hindi takot makipagsagutan sa matatandang pulitiko, indibiduwal na may sariling pag-iisip ngunit maayos ang pakikipagtulungan sa mga batang lider gaya ng mga lider sa Tapat at Malasakit Alliance.