Ni Dave M. Veridiano, E.E.

SA tuwing madaraan ako sa may gusali ng Commission on Higher Education (CHEd) sa Diliman, Quezon City, ‘di ko mapigil na mapasimangot dahil sa wari ko’y may “umaalingasaw” na amoy ng nabubulok na malansang isda sa naturang lugar.

Huwag masamain ito ng mga taga-CHEd, dahil hangga’t patuloy sila sa pagmamatigas na hindi ipatupad nang lubusang ang utos ng Korte Suprema (SC), na ibalik ang core courses na FILIPINO at PANITIKAN sa kolehiyo, bilang pagpapatupad sa bagong curriculum simula sa Academic Year 2018-2019 – patuloy silang mangangamoy na animo’y bulok na isda, para sa akin at sa mas nakararaming mamamayan sa bansa.

Hindi nila matatakasan ang hagupit ng mga katagang ito ni Gat Jose P. Rizal, na nagbibigay kahalagahan sa Inang Wika sa buhay nating mga Pilipino: “Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; Kaya ating pagyamaning kusa, gaya nang inang sa atin ay nagpala.”

Binabasa ko pa lang ang mga katagang ito, nagtatayuan na ang aking balahibo. Marahil dahil sa alam kong ang tanggapan – walang iba kundi ang CHED mismo -- na dapat manguna sa pagpapalaganap sa ating Inang Wika, ay siya pang pasimuno sa pagpatay sa FILIPINO at PANITIKAN sa mga paaralan.

Matatandaang sa ipinalabas ng CHEd na kautusan, ang CMO No. 20, series of 2013, o ang “General Education Curriculum (GEC): Holistic Understandings, Intellectual and Civic Competencies” na nagtatanggal sa FILIPINO at PANITIKAN bilang “core courses” sa mga kolehiyo at universidad noong 2015. Ang bagong GEC ay para sa pagpapatupad ng K to 12 Education Program — lalo na sa mga nakakumpleto na ng Senior High School (SHS) sa Department of Education (DepEd).

Agad itong kinuwestiyon at nilabanan ng mga grupong nagmamahal sa ating Inang Wika, sa pangunguna ng Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika -- isang alyansa ng mga eskuwelahan, kolehiyo, unibersidad, linguistic at cultural organizations, at concerned citizens – na agad nakakuha ng Temporary Restraining Order (TRO) laban sa pagtatanggal ng FILIPINO at PANITIKAN bilang mga mandatory “core courses” sa bagong GEC ng CHEd.

Ito naman ngayon ang dahilan nang pagalingasaw ng lansa ng mga taga-CHEd -- sa kabila ng nasabing desisyon ng SC ay patuloy na “never actually implemented” ito ng CHEd. Nguni’t hindi basta-basta magpapatalo ang ating mga taga-Tanggol Wika – simula nang paalalahanan ang CHEd sa nasabing court order, inumpisahan nilang idokumento ang sinasabing “history of continuing violation” ng komisyon sa nasabing TRO.

Ang wika ay nagbibigay buhay sa isang bansa. Pinagkakaisa nito ang mga mamamayan na naninirahan sa iba’t ibang lugar sa buong kapuluan. Katulong ito sa paghubog ng pagkatao, disiplina, at mga natatanging kultura sa bansa. Kaya’t lubhang nakababahala ang katotohanan na ang karamihan sa kabataang Pinoy sa kasalukuyang henerasyon, ay mas marami pang alam na mga kuntil-butil hinggil sa ibang bansa kaysa sa sariling bayan.

Nakikipagsabayan sila sa mga banyaga sa paglilibot sa mga kapitbansa bilang mga turista, gayung ang sariling bansang Pilipinas, na ‘di magpapatalo sa dami ng ating magagandang lugar at tanawin, ay ‘di pa nila nakikita! Maraming alam sa lahat ng bagay, lalo pa’t may kaugnayan sa bagong sistema, gadget at iba pa. Subalit kung pilipit ang dila nila sa wikang banyaga ay ganoon na rin halos sa sarili nilang Inang Wika.

Kung ang henerasyong ito ay ganito, paano na kaya at saan patutungo ang mga susunod pang henerasyong Pilipino?

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]