Ni Rizaldy Comanda at Light A. Nolasco

BAGUIO CITY – Nagpaabot ng pakikiramay ang pamahalaang lungsod ng Baguio sa pamilya ng 52-anyos na ginang na dumayo sa siyudad para sa Panagbenga Festival na nasawi habang pinanonood ang grand flower float parade sa Upper Session Road nitong Linggo.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Evelyn Tabing Bautista, ng Barangay Naglabrahan, Guimba, Nueva Ecija.

Ayon sa police report, dakong 7:00 ng umaga at nanonood ng float parade si Bautista nang bigla umanong makaramdam ng paninikip ng dibdib hanggang himatayin.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Kaagad siyang naisugod ng rescue medical team sa Pines City Doctors Hospital subalit hindi na siya umabot nang buhay.

Batay sa pagsisiyasat ni Senior Supt. Ramil Saculles, director ng Baguio City Police Office, may history ng alta-presyon at dati nang na-confine si Bautista dahil sa sakit sa puso.

Tumanggi na rin ang asawa ng ginang na si David Bautista na isailalim sa awtopsiya ang labi ng misis at sinabing “natural cause” ang sanhi ng biglaang pagpanaw nito.

Nabatid na kaagad na naibiyahe ang labi ng ginang pauwi sa Guimba, at nakaburol na ngayon sa kanilang bahay.