Ni Bert de Guzman
ISANG taon nang nakakulong ang pinakamahigpit na kritiko ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD). Siya ay si Sen. Leila de Lima na nasa PNP Custodial Center sa Camp Crame. Nagsimula ang iringan at “bad blood” nina Mano Digong at Sen. Leila nang siya pa ang chairperson ng Commission on Human Rights (CHR) na nagpa-imbestiga sa Davao Death Squad at isinasangkot ang alkalde.
Si De Lima ay pinagbintangan at kinasuhan ng illegal drug trade sa New Bilibid Prisons (NBP) noong siya pa ang Kalihim ng Department of Justice (DoJ). Imposible raw na hindi niya alam ang mga kalokohan sa loob ng NBP at kalakalan ng droga roon dahil ang ahensiya ay nasa ilalim ng DoJ. Nagpakulekta rin daw si Delilah, este Sen Leila, ng drug money sa drug lords doon para gamitin sa pagtakbo sa pagka-senador sa pamamagitan ng kanyang driver-bodyguard-lover na si Ronnie Dayan.
Ngayong si Sec. Vitaliano Aguirre II na ang kalihim ng DoJ, may mga balita na patuloy pa rin daw ang bentahan at kalakalan ng droga sa loob ng NBP. Alam din kaya niya ito? Kung susundan ang lohika sa bintang at pagpapakulong kay Sen. De Lima dahil under ng DoJ ang NBP, dapat din bang papanagutin si Sec. Vits sa illegal drug trade?
Noong ika-32 anibersaryo ng pagpapatalsik sa diktador na si Ferdinand E. Marcos sa pamamagitan ng People Power Revolt (Edsa I), hinimok ni PDu30 ang mga mamamayan na laging maging handa sa pagtatanggol at pangangalaga sa kanilang mga karapatan at kalayaan. Hindi siya lumahok sa pagdiriwang. Umuwi siya sa Davao City na kanyang comfort zone.
Kaysarap pakinggan ng pahayag ng ating Pangulo na ngayon ay kabi-kabila ang batikos dahil umano sa mala-diktador na pamamahala at pagsikil sa press freedom. Papayagan na kaya niya ang Rappler reporter na si Pia Ranada na mag-cover sa Malacañang? Galit pa ba siya sa Inquirer at ABS-CBN?
Pahayag ni Pres. Rody: “The People Power Revolution has become the enduring symbol of our determination to fight for what is right-- to defend and uphold our cherished democratic values. Let us further empower our citizenry.”
Palakpakan natin ang Pangulo. Sana ay hindi isang joke ang pahayag na ito.
Nahuli na ang mga among Arabo ng kawawang OFW na si Joanna Demafelis. Ang lalaki ay isang Lebanese at ang asawa ay isang Syrian. Nais ni Mano Digong na makamit ni Joanna at ng pamilya nito ang katarungan. Si Joanna ay binugbog at brutal na pinatay. Isinilid sa isang freezer ang kanyang bangkay sa loob ng mahigit na isang taon.
Iniutos ng Pangulo na hanapin at pag-usigin ang local recruitment agency ni Demafelis at papanagutin sa nangyari.
Kapuri-puri ang kautusang ito ni PRRD. Talagang may malasakit siya sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtutungo sa ibang bansa para magtrabaho upang kumita at hindi para saktan, halayin, ituring na alipin, at patayin!