Ni Joseph Jubelag
GENERAL SANTOS CITY- Nag lunsad ang pulisya ng malawakang manhunt operations laban sa bodyguard ng isang alkalde sa Sultan Kudarat na isinasangkot sa pagpatay sa dating correspondent ng Balita sa lalawigan, noong nakaraang taon.
Sinabi ni Sultan Kudarat Police Provincial Office director Senior Supt. Raul Supiter na tinutugis na ngayon ng pulisya si Toto Kalamag, sinasabing security escort ni President Quirino Mayor Azel Mangudadatu.
Nagpalabas si Regional Trial Court Judge Melanio Guerrero ng arrest warrant laban kay Kalamag kaugnay ng pamamaslang kay Leo Diaz, 56, reporter ng lokal na pahayagang Sapol News Bulletin, na binaril sa ulo habang sakay sa kanyang motorsiklo sa national highway sa Barangay Kanawi, President Quirino, noong Agosto 7, 2017.
Sinabi ng pulisya na itinuro umano ng mga saksi si Kalamag na siyang bumaril kay Diaz.
Itinanggi naman ni Mayor Mangudadatu na may kinalaman si Kalamag sa krimen, sinabing kasama niya ito nang dumalo siya sa isang official function sa araw na pinatay si Diaz.
Nag-alok pa ang alkalde ng P100,000 pabuya sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaaresto ng pumaslang sa mamamahayag.
Hiniling naman ng pulisya kay Mangudadatu na isuko si Kalamag upang mapatunayan na wala itong kasalanan sa krimen.