Ni Bert de Guzman

PARANG nagkamali si Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez sa pakikipagbangayan kay Davao City Sara Zimmerman Duterte-Carpio. Nagsimula ito nang itatag ni Inday Sara ang partido-pulitikal na Hugong ng Pagbabago (HNP).

Dahil dito, napaulat na sinabi raw ni Speaker Bebot na si Mayor Sara ay bahagi na ng oposisyon sapagkat hindi siya kaanib ng ruling party PDP-Laban nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Speaker Alvarez. Ang Pangulo nito ay si Senate Pres. Koko Pimentel.

May mga balita na baka tumakbo si Sara sa pagka-kongresista ng Davao City sa 2019. Samakatuwid, kung si Inday Sara ay tatakbo at mananalo, siguradong siya ang magiging Speaker at sisipain ng Pangulo si Alvarez. Siya ay tatakbo sa ilalim ng Hugpong ng Pagbabago at hindi sa ilalim ng PDP-Laban.

Hindi nagustuhan ng matapang na alkalde na mana sa katapangan sa amang PRRD ang pahayag ni Speaker Bebot. Sinabihan niya si Alvarez na kung siya ang “hari” sa House of Representatives (HOR), huwag niyang dalhin ito sa Davao City.

Banat si Sara: “How dare you call me part of the opposition. Kapal ng mukha mo. You messed with the wrong girl.”

Ikinainis din ni Mayor Sara ang pagkakalat ni Speaker Bebot sa mga kaibigan at kaalyado na ang HNP ay walang approval ng Pangulo. May 500 opisyal, kabilang ang apat na governor ng Davao provinces, ang dumalo sa pormasyon ng Hugong. Hindi raw niya maintindihan kung bakit siya inaatake ni Alvarez sa Davao City. Isa raw Mayor ang nagbulong sa kanya na kinakalaban siya ni Alvarez.

Sa Facebook account na Sara Zimmerman Duterte, tinawag niya si Bebot bilang “asshole” at nagbantang ihahayag sa amang presidente ang umano’y “sinister actions” ng Speaker. Ikinagalit din niya ang umano’y pahayag ni Speaker na ang bagong partido ni Inday Sara ay produkto ng “political dynasty.” Itinanggi ito ng Speaker. Hindi raw siya nakikipaggalit sa mayor.

Hinggil pa rin sa PDP-Laban, may 4,000 bagong recruit o kasapi ng partido ang nanumpa kay Speaker Alvarez, kasama si Bataan Gov. Abet Garcia, kamakailan sa lalawigan. Alam ba ninyong si ex-Gov. Enrique “Tet” Garcia ay isa sa dalawang governor ang sumuporta lang kay PDu30 noong May 2016 elections? Dahil dito, malaki ang pagtanaw ng utang na loob ni Mano Digong sa mga Garcia ng Bataan. Nang mamatay si Gov. Tet, nagpunta ang Pangulo sa burol upang makiramay. Si Abet na governor ngayon ng Bataan ay anak ni Tet.