Ni PNA

ITINAKDA ng World Wildlife Fund-Philippines sa susunod na buwan ang 2018 Earth Hour, na nakatuon sa pagbibigay ng proteksiyon sa biodiversity laban sa climate change.

Umaasa ang Earth Hour, isang taunang pandaigdigang pagkilos ng World Wildlife Fund, na magbibigay ito ng inspirasyon sa mga indibiduwal, organisasyon at mga pamahalaan sa pamamagitan ng sama-sama at organisadong pagkilos para maglaan ng isang makabuluhang oras sa pagtatanggol sa kapakanan ng planeta.

Pagtutuunan ng aktibidad ngayong taon ang bagong pandaigdigang kampanya ng World Wildlife Fund na #Connect2Earth, na nakatuon sa pagsusulong ng mga talakayan tungkol sa biodiversity.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

“Earth Hour’s new theme moves us to respond collectively and #Connect2Earth, as we help strengthen awareness on biodiversity and climate action,” ayon sa World Wildlife Fund.

Ngayong taon, inihayag ng World Wildlife Fund na ang pagdiriwang ng Earth Hour sa Pilipinas ay magsisimula sa ganap na 7:00 ng gabi sa Marso 24, Sabado, sa Cultural Center of the Philippines sa Pasay City.

Ang aktuwal na pagpatay ng ilaw ng bansa para sa Earth Hour ay sisimulan ng 8:30 ng gabi hanggang 9:30 ng gabi sa nasabing petsa, ayon sa World Wildlife Fund.

Layunin ng isang oras na kadiliman ang makatulong sa pagsusulong ng kamulatan tungkol sa pangangailangan sa nagkakaisang pagkilos upang protektahan ang biodiversity mula sa mga epekto ng climate change, ayon sa World Wildlife Fund.

Una nang tinukoy ng mga eksperto ang tumitinding weather events, bukod pa sa pagtaas ng karagatan at pandaigdigang temperatura na ilan lamang sa mga epekto ng climate change sa Pilipinas at maging sa iba pang dako ng mundo.

Ayon sa World Wildlife Fund, marami nang mabubuting naidulot ang pakikibahagi ng Pilipinas sa Earth Hour sa nakalipas na mga taon.

Kabilang dito, ayon sa World Wildlife Fund, ang pagpapadala ng mga portable solar lamp bilang kapalit ng mga delikado at maruming lamparang may kerosene sa Palawan at mga lalawigan ng Mindoro.

Nagbabahagi rin ang mga Pilipino ng pinakamaiinam na hakbangin ng bawat komunidad upang tiyaking kumikilos ang marami upang maibsan kahit paano ang epekto ng climate change, ayon sa World Wildlife Fund.

Inilunsad noong 2007 bilang isang simbolikong aktibidad sa Sydney, sinabi ng World Wildlife Fund na ang Earth Hour ngayon ay naging isa sa pinakamalalaking grassroots environmental movement sa mundo.

Mahigit 7,000 siyudad sa 180 bansa at teritoryo ang nakikibahagi sa taunang Earth Hour, ayon sa World Wildlife Fund.