Ni Ariel P. Avendaño
BALER, Aurora - Isa pang batang naturukan ng bakuna kontra dengue na Dengvaxia sa Baler, Aurora ang tuluyan nang nasawi.
Si Clarissa Alcantra, 13, Grade 6 pupil ng A.V. Mijares Elementary School sa Baler, ay namatay habang isinasailalim sa gamutan sa pneumonia at rheumatic fever sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC) sa Quezon City.
Pangalawa na si Alcantara sa naturukan ng kontrobersiyal na bakuna sa Aurora na nasawi.
Ang unang biktima ay si Lea delos Santos, namatay noong Pebrero 13, na isinailalim sa awtopsiya ng forensic expert na si Dr. Erwin Erfe ng Public Attorney’s Office (PAO), at nakumpirmang multiple organ failure ang ikinamatay nito.
Ang nabanggit na sanhi ng pagkamatay ng paslit ay sinasabing isa sa mga epekto ng Dengvaxia, ayon sa ina ng biktima na si Lyngin Alcantara.
Kinumpirma rin ni Lyngin na tinurukan ng Dengvaxia ang dalagita noong Hunyo 20, 2017.
Aniya, nadismaya sila sa naging findings ng mga doktor na tumingin sa kanyang anak.
“Sabi po ng mga doctor sa ospital, gagaling na ang anak ko dahil ginagamot naman nila, pero lalo pang napabilis ang pagkamatay niya,” sabi ni Lyngin.
Nakatakda namang isailalim ng PAO forensic team sa awtopsiya ang bangkay ng dalagita ngayong Martes.