Ni Mary Ann Santiago
Pinaalalahanan kahapon ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang na iparehistro na ang kanilang mga anak dahil hanggang bukas, Pebrero 28, na lang ang early registration period para sa school year 2018-2019.
Tinukoy ng DepEd na kabilang sa mga maaaring magparehistro ay ang mga estudyante sa public elementary, secondary, at senior high schools sa buong bansa.
Enero 28 nang sinimulan ng DepEd ang maagang pagpaparehistro para sa susunod na school year.
Nilinaw ng DepEd na layunin nitong maagang makapaghanda ang mga paaralan sa pagbubukas ng klase para sa susunod na school year upang maabot ang puntirya nilang bilang ng mga mag-aaral na magbabalik-eskuwela.
Nais ding matiyak ng DepEd na ang lahat ng limang taong gulang na pagsapit ng Agosto 31 ay mai-enroll sa Kindergarten.
Pinatutunton din nila para mai-enroll ang mga out-of-school children (OSC) at out-of-school youth (OSY) na nasa malalayo o liblib na lugar, gayundin ang Learners with Special Educational Needs (LSENs) at iba pang mag-aaral na nangangailangan ng unique learning interventions, kabilang na ang mga katutubo, at iba pa.
Paalaala pa ng DepEd, walang kinakailangang bayaran sa paaralan ang mga magpapa-enroll, alinsunod sa ipinatutupad na No Collection policy ng kagawaran.