Ni Marivic Awitan

TATANGKAIN ng reigning women’s titlist San Sebastian College na makamit ang ikalimang sunod na titulo kahit wala na ang dating 3-time MVP na si Gretchel Soltones sa pagbubukas ng NCAA Season 93 beach volleyball tournament na gaganapin muli sa Boardwalk ng Subic Bay, Zambales.

Magbabalik ang katambal ni Soltones nang magwagi sila ng pang -apat na titulo noong nakaraang season na si Alyssa Eroa, at makakasama nya sa koponan sina Dangie Encarnacion at Daurene Claire Santos sa tangka nilang 5th straight title at seventh overall.

Kinumpleto nina Eroa at Soltones ang 4-peat noong Season 82 matapos gapiin ang kambal na sina Ma. Nieza at Ma. Jeziela Viray ng San Beda sa finals.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Siyempre mahirap kasi wala na si Grethcel pero gagawin po namin ang aming makakaya para ma retain yung title, “ ani Eroa.

Dahil sa ipinakitang performance sa nakaraang taon, isa sa mga paborito ngayong taon ang Viray twins.

Bukod sa kanila, nariyan din sina Regine Arocha, Jovielyn Prado at Necole Ebuen ng indoor volleyball champion Arellano University at sina indoor volleyball MVP Shola Alvarez ,Dolly Grace Versoza at Mercy Grace Rivera ng Jose Rizal University.

Ayon kay tournament chairman Melchor Divina, parehas ang format na gagamitin gaya ng indoor volleyball kung saan lalaro ang mga teams ng 9 elimination-round games kung saan ang top 4 ay uusad sa Final Four kung saan tangan ng top 2 team ang twice-to-beat edge.

Magsisimula ang elimination round ngayong umaga hanggang Biyernes ng umaga bago ang Final Four at finals sa Biyernes ng hapon at Sabado ng umaga.