Ni Mina Navarro
Kasado na ang gagawing balasahan at sibakan sa Bureau of Customs (BoC) matapos umanong madawit sa iba’t ibang katiwalian ang isang bagong batch ng mga opisyal at kawani ng kawanihan.
Sinabi ni Customs Commissioner Isidro Lapeña na layunin ng sibakan at balasahan na tugunan ang katiwalian, at mapataas ang koleksiyon ng kita sa BoC.
Sa flag ceremony kahapon, ikinagalit ni Lapeña ang mga nakarating na ulat sa kanya na sa kabila ng paulit-ulit na mga babala ay mayroon pa ring ilang tauhan sa port ang nasasangkot sa illegal money-making activities.
Aniya, hanggang may sumasalungat sa mga pagsisikap na mapatino ang BoC, “I told you I would catch up with you. I will keep doing that as long as it takes.”
Hindi binanggit ng komisyuner kung sinu-sino ang mga maaapektuhan ng napipintong balasahan at kung kailan ito ipatutupad.
Samantala, positibong inihayag ni Lapeña na nalagpasan ng BoC ng 2.5 porsiyento, o kumpletong koleksiyon na P33.79 bilyon, ang 15-working day revenue target para sa Pebrero.
Sa pamamagitan ng rate na ginagawa ng BoC ngayon, malamang na matutugunan nito ang P40.53-bilyon revenue target ngayong buwan.