Lovi, Erich at  Tom
Lovi, Erich at Tom

Ni REGGEE BONOAN

UMALIS kaagad si Erich Gonzales sa premiere night ng The Significant Other nang hindi gaanong napansin ng karamihan kahit 30 minuto pa lang ang itinatakbo ng pelikula dahil kinailangan niyang bumalik sa taping ng The Blood Sisters na naghihintay para kunan ang mga eksena niya.

Sayang nga at hindi niya narinig ang mga papuri sa kanya ng mga nanood lalo na sa sampalan at sagutan nila ni Lovi Poe dahil sa pag-aagawan nila kay Tom Rodriguez.

Tsika at Intriga

Maris, namundok matapos maeskandalo kay Anthony

Panay din ang hiyawan ng lahat sa bed scenes nina Tom at Erich bukod pa sa Lovi at Tom kaya para hindi mahiya ang dalawang natirang artistang nanonood ay idinaan na lang nila sa tawa.

Tinanong namin ang executive ng Star Cinema kung nasaan si Erich, “Bumalik na sa Blood Sisters taping, hiniram lang kasi namin.”

Madugo pala kasi ang taping ng TBS na sumabay sa premiere night dahil ang kukunan ay ‘yung pagkikita na ng triplets na sina Erika, Carrie at Agatha. Kaya pala inabot ng 5 AM ang shoot ng aktres.

Samantala, pinuri ng isa sa producers ng The Significant Other na si Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan ang mga artista niya na pawang professional kaya maayos na natapos ang shooting nila.

Binati namin ang butihing mayor sa magandang pelikulang nagawa ng CineKo Productions at nagpasalamat naman siya at umamin na binantayan niya ito sa editing.

“Talagang tinutukan ko ang editing, talagang ipinagpilitan ko kay Direk Joel (Lamangan) na tanggalin na ‘yung mga hindi naman kailangan para hindi ma-bore ang manonood. Kasi alam ko ayaw ng tao ‘yung mabagal ang takbo, gusto mabilisan. Salamat at nasulit lahat ang pagod namin sa pagtutok sa production hanggang matapos ang pelikula,.”

Na-curious tuloy kami at nagtanong kung nag-aral ng crash course si Mayor Roque sa film editing.

“Hindi, mahilig lang akong manood ng foreign films ‘tapos inaaplay ko sa mga pelikula natin dito.  Maski paano may natutunan naman ako kaya sabi ko subukan ko nga sa mga pelikula ng Cineko. So far, okay naman ang resulta, nagustuhan n’yo ba?” paliwanag sa amin.

Dapat pala ay entry ng Cineko Productions sa 2017 Metro Manila Film Festival itong The Significant Other pero hindi kaagad natapos, ngayon ay itinuturng ni Mayor Enrico na blessing in disguise.

Kuwento sa amin nang mapanood ni Direk Maryo J. de los Reyes (SLN) ang raw copy ng The Significant Other ay nag-suggest ito na damihan ang close-ups nina Lovi Poe, Tom Rodriguez at Erich Gonzales dahil pawang long-shots ang ginawa ni Direk Joel.

“Siyempre, may mga suggestion kami kay Direk Joel na galing kay Direk Maryo.  ‘Yung long shot ni Direk Joel, may ibinigay kami na mas maganda sigurong gawing close-up at naging maganda naman,” kuwento ng producer.

Ideya rin ni Mayor Enrico ang ending ng TSO.

 “Siyempre as a producer, may mga gusto tayong mangyari, di ba, so sabi ko kay Direk Joel na pumayag naman siya at nakita naman niyang naging maganda ang outcome na imbes na si Tom lang ‘yung ipapakita sa ending, why not silang tatlo?

“Nakita ninyo tig-iisang frame sila, si Tom nasa gitna ‘tapos ‘yung dalawang kotse nina Erich at Lovi ipinakitang parehong umaalis. Inihabol lang namin ‘yun, hindi ba mas maganda?”

Samantala, mukhang bumabalik ang sexy films sa malaking kinikita sa takilya ng The Significant Other. Balita namin ay kanya-kanyang paghahanda ang iba’t ibang producers para gumawa ng kani-kanilang sexy movies ngayong balitang-balita na kumikita itong pelikula ng CineKo.

Kumita rin ng malaki ang sinusundan nitong Sin Island na pinagbidahan naman nina Nathalie Hart, Xian Lim at Coleen Garcia.

Hindi pa naglalabas ng figures ang Star Cinema kung magkano na ang kinikita ng The Significant Other pero base sa pahayag sa amin ng assistant ni ‘Nay Cristy Fermin na si Japs Gersin ay, “masaya sina Mayor.”

‘Yun na!