Ni ELLSON A. QUISMORIO

Inaasahang bibigyang–linaw ni dating Pangulong Benigno "Noynoy" S. Aquino III sa mga mambabatas ngayong araw kung inaprubahan niya o hindi ang paglipat sa P3.5 bilyong halaga ng pondo para sa pagbili ng Dengvaxia vaccine mula sa French multinational pharmaceutical company na Sanofi Pasteur.

“Did he (Aquino) authorize the realignment of funds to buy Dengvaxia? The former President is coming,” ani Surigao del Sur 2nd district Rep. Johnny Pimentel, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability.

Isa ang komite sa mga panel ng Kamara na nag-iimbestiga sa kontrobersiya ng Dengvaxia, ang isa pa ay ang House Committee on Health.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Bukod kay Aquino, inaasahang haharap din bilang resource person ng komite si dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Florencio “Butch” Abad Jr.

Nauna rito ay inaprubahan ng Pimentel panel ang mosyon ni House senior Deputy Minority Leader at BUHAY Party-List Rep. Lito Atienza na imbitahan ang dating Punong Ehekutibo sa pagdinig para magbigay-linaw sa timeline ng pagbili sa Dengvaxia vaccines, na ginamit ng Department of Health (DoH) sa kontrobersiyal na anti-dengue immunization program nito.

Ipinatawag din sa pagdinig sina Budget Secretary Benjamin Diokno, Health Secretary Francisco Duque III, Education Secretary Leonor Briones, Interior and Local Government OIC Secretary Eduardo Año, Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, Chief Public Attorney Persida Acosta at dating Health Secretary Janet Garin.

Pinahaharap din sa komite ang mga kinatawan ng Sanofi at Zuellig Pharma Holdings Pte. Ltd., distributor ng anti-dengue vaccine, kasama ang mga opisyal ng iba’t ibang divisions, bureaus atservices ng DoH, Philippine General Hospital, University of the Philippines College of Medicine at Philippine Children’s Medical Center, at iba pa.