Juromee Dungon
Juromee Dungon
Nalambat kahapon ng mga awtoridad ang misis ng napatay na Jamaah Islamiyah bomber na si Zulkifli Bin Hir, alyas “Marwan” at apat na iba pa sa operasyon sa Purok 5 Poblacion sa Tubod, Lanao del Norte.

Sa bisa ng search warrant sa illegal possession of firearms and explosives, inaresto dakong 6:22 ng umaga si Juromee Dungon y Pindoy, alyas “Tata/Saynab”, ” Zainab Janjalani”, misis ni Marwan; at ang mag-asawang sina SPO4 Andy Atta y Ascal at Lorelie Atta y Dungon, alyas “Bebeth”, “Aminah”, kapatid ni Juromee.

Nakumpiska umano mula sa tatlo ang isang granada, anim na blasting cap, isang blasting cap assembly, isang apat na talampakan at tatlong pulgadang electronic detonating cord, isang plastic container, dalawang sling bag, isang .9mm caliber Glock 17 na service firearm ng Philippine National Police (PNP), tatlong magazine nito, at 37 bala ng .9mm caliber.

Bukod sa tatlo, dinakma rin ng awtoridad sa bisa ng search warrant sina Romeo Dungon y Aborido, alyas “Faisal”, ama ni Juromee; at Norein Santos y Dungon, alyas “Neneng”, kapatid ni Juromee.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Narekober umano sa mag-ama ang isang .45 caliber Colt pistol, isang bala nito, tatlong cartridge nito, isang fragmentation hand grenade M61, isang gray empty blasting cap, dalawang talampakang detonating cord, dalawang electrical wire, isang gray handbag, isang Lenovo laptop computer, apat na cell phone; at isang Samsung tablet computer.

Dinala ang mga nakumpiskang ebidensiya sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-Region 10 para sa booking at dokumentasyon. - Bonita L. Ermac