ni Ric Valmonte
NITONG Biyernes, libu-libong mag-aaral sa buong bansa ang lumabas sa kanilang mga eskuwelahan at nagmartsa sa kalye upang iprotesta ang sinasabi nilang mapaniil na rehimen ni Pangulong Duterte.
Nakadamit ng itim, ang mga estudyante ng University of the Philippines (UP)-Diliman at Manila, Polytechnic University of the Philippines, De La Salle University, University of Sto. Tomas, Philippine Normal University at iba pa ay nagmartsa mula sa kanilang mga eskuwelahan patungong Mendiola. Nananawagan sila ng pagkakaisa laban sa banta sa demokrasya.
Ang Samahan ng Kabataan para sa Bayan-UP Los Baños ay nagpahayag na nagsama-sama sila para kondenahin ang paglabag sa kanilang demokratikong karapatang mabuhay, sa de-kalidad na edukasyon, at sa due process.
“Ang #Walkout protest ay bahagi ng sunud-sunod na pagkilos sa buong kapuluan bilang kasagutan sa pagnanais na baguhin ang Saligang Batas at gawing federalismo ang gobyerno upang mapatibay ang one-man rule ni Pangulong Duterte. Sa maselang panahon ngayon, pinili naming huwag manahimik sa maraming paraan na ginagawa ng gobyerno na pumapatay sa atin. Napapanahon na naman para sa aming mga kabataan para ipakita ang aming lakas at ihayag ang determinadong pakikiisa sa pagtataguyod sa kapakanan ng aming mamamayan,” sabi ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago.
Kumilos na ang kabataang estudyante. Wala pa ang mga ito nang idineklara ni dating Pangulong Marcos ang martial law. Kaya hindi nila nasaksihan at naranasan ang kalupitan ng rehimeng ito. Wala silang personal na alam sa nangyari sa kapwa nila noon na pinatay, dinukot at nangawala. Hindi nila naranasan ang kahirapan at kagutuman.
Pero sila ngayon ang nangunguna sa pakikipaglaban ng sambayanan. Kasi, aral sila ng kasaysayan. Ang nangyari noon ay nauulit ngayon. Para rin silang buhay noon nang ang martial law ay nakalukob sa buong bansa.
Hindi ko alam kung sa pagkilos ngayon ng kabataan ay matitinag ang administrasyon. Magbabago ng direksiyong tinatalunton na sinasalungat ng kabataan.
Pero ang alam ko, hindi matitinag ang kabataan. Matapang sila dahil, unang-una, sapat ang kanilang kaisipan, karunungan at kakayahan upang malaman nila ang kanilang ipinaglalaban at kung paano sila lumaban.
Malalim ang kanilang pinagkukunan. Mahirap silang mapaniwala sa fake news. Hindi sila malilinlang ng mga ikinakalat na impormasyon sa social media.
Ikalawa, wala silang interes na katatakutang masagasaan maliban ang interes nila sa labanan para maitama ang mali. Hindi mo sila matatakot at masusuhulan. Dahil dito, gumanda ang kalagayan ng sambayanan. Ang hiwa-hiwalay nilang pagkilos, ayon sa kanilang magkakaibang interes na ipinaglalaban, ay mapapag-isa na.
Pag-iisahin at palalakasin ang mga ito ng kabataan na masigasig at hindi napapagod sa labanan hanggang mabuong muli ang people power.