Magkakaroon ng linaw ngayong umaga ang mga isyu sa likod ng Philippine Rise (Benham Rise) sa pagharap sa Senado na mga scientist, mananaliksik at eksperto.

“Pakinggan natin ang panig ng ating mga scientists, researchers at experts. Our Filipino scientists deserve respect, recognition and resources from our government,” sinabi ni Senador Bam Aquino, chairman ng Committee on Science and Technology.

Aniya, nais malaman ng kanyang komite, mula sa mga eksperto kung ano ang lawak ng likas na yaman ng Pilipinas sa PH Rise, banta ng China rito, at kailangang pondo at tulong para sa local research programs.

Inaasahang ipapakita ng mga scientist ang resulta ng kanilang pananaliksik habang ilalatag ng mga opisyal ng pamahalaan ang plano para sa 13-milyong ektarya ng underwater plateau.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Kabilang sa mga naimbitahan sina Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio, kilalang tagapagtanggol ng teritoryo ng bansa, maritime law expert Jay Batongbacal, ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea, at Dr. Fernando Siringan, director ng UP-Maritime Science Institute.

Inimbitahan din sina Defense Secretary Delfin Lorenzana, National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., Rear Admiral Robert Empedrad ng Philippine Navy at Chinese Ambassador Zhao Jianhua, at maraming iba pa. - Leonel M. Abasola