Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa sa US, ang mga E-cigarette liquids na may matatamis na pampalasa tulad ng vanilla at cinnamon ay maaari pa ring makasira sa ating baga kahit wala itong halong nikotina.
Pinag-aralan ng mga eksperto ang nangyari sa monocytes, isang uri ng white blood cell kapag ito ay nahahalo sa mga kemikal na pampalasa na ginagamit sa mga e-cigarette liquids. Walang nakitang nikotina sa mga likido, pero ang mga kemikal na pampalasa ay patuloy na nagpapataas sa biomarkers ng pamamaga ng baga at pagkasira ng mga tisyu at ang ilan sa kanila ay nagiging dahilan ng pagkamatay ng mga selula.
Sa pagtagal ng panahon, ang ganitong klase ng pagkasira ng mga selula ay maaaring humantong sa malalang problema sa baga tulad ng fibrosis, chronic obstructive pulmonary disorder, at asthma. Ito ay ayon sa pag-aaral ng manunulat na si Irfan Rahman, isang environmental health researcher sa University of Rochester Medical Center sa New York.
"Ang mga likidong walang halong nikotina ay kinonsidera na ligtas gamitin ngunit ang epekto ng mga kemikal na pampalasa, lalo na sa mga immune cells, ay hindi pa nagkakaroon ng malawakang pagsasaliksik," sabi ni Rahman sa e-mail. "Pinapakita ng pag-aaral na ito na kahit ligtas lunukin o inumin ang mga kemikal na pampalasa ay hindi ito ligtas langahapin."
Ang lahat ng malalaking kompanya ng tabako sa US ay gumagawa ng e-cigarettes. Ang mga gadgets na pinapatakbo ng baterya ay mayroong mga kakaibang katangian tulad ng pampainit sa loob kung saan ang nikotina at ang pampalasang nilagay ay nagiging usok o vapor na nilalanghap ng mga gumagamit nito.
Kahit walang halong nikotina ang mga e-liquids, ang baga ay lantad pa rin sa mga kemikal na pampalasa kapag pinainit ang e-liquids at nilanghap ang usok nito.
Ayon sa pag-aaral, ang pagkakalantad ng mga selula sa iba't ibang kombinasyon ng mga kemikal na pampalasa ay nagdudulot ng mas malalang epekto kumpara sa paggamit ng isang kemikal lamang.
Kabilang sa mga kemikal na pampalasa na mas nakakalason sa baga ay ang vanilla at cinnamon.
Dagdag ng awtor na isa sa limitasyon ng pag-aaral na ito ay hindi sila nag-eksperimento sa mga tao na gumagamit ng e-cigarette o nakakalanghap nito. Hindi rin ito nagbigay ng mga patnubay o gabay sa paggamit ng e-cigarette at ang maaaring maging epekto nito sa kalusugan lalo na sa mga matagal ng gumagamit.
Marami pang pag-aaral ang dapat isagawa upang maintindihan ng lubos ang nangyayari sa ating baga kapag gumamit ng e-cigarette. Sa kabuuan ng mga naging pag-aaral, ay dapat maging kontrolado ang paggamit ng e-liquids at malinaw na nakasulat kung anong kemikal na pampalasa ang ginamit.