Ni TARA YAP

ILOILO CITY – Parusang kamatayan ang hinahangad ng pamilya ni Joanna Demafelis, ang overseas Filipino worker (OFW) na pinatay sa bugbog at ipinagsiksikan sa freezer sa Kuwait, sa mag-asawang suspek na magkasunod na naaresto kamakailan.

Sinabi ni Joejet, panganay na kapatid ni Joanna, na tama lamang na kamatayan ang ipataw na parusa sa Lebanese na si Nader Essam Assaf at sa asawa nitong Syrian na si Mona Hassoun, kapag nalitis na ang mga ito sa Kuwait, kung saan may ipinatutupad na death penalty.

“Nagpapasalamat kami nahuli na sila pero dapat maranasan nila ang naranasan ng kapatid ko,” sinabi ni Joejet sa panayam ng Balita sa telepono kahapon.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Sa manhunt na pinangunahan ng International Criminal Police Organization (Interpol), naaresto si Assaf sa bayan nito sa Lebanon, habang sa Syria naman nadakip si Hassoun.

Bagamat arestado na ang mag-asawang amo ni Joanna, hindi pa rin natatapos ang paghahanap ng katarungan ng pamilya Demafelis mula sa Sara, Iloilo.

“Bilang panganay, galit na galit pa rin ako sa ginawa nila sa kapatid ko,” ani Joejet. “Hindi pa rin matanggap ng mga magulang ko, at kaming magkakapatid. Kahit pa naaresto na ‘yung dalawang suspek, hindi pa rin nito mabubura ang ginawa nila sa kapatid ko.

“Kahit pa sabihin ng mga tao na marami kaming natatanggap na pera, hindi nun matutumbasan ang buhay na kinuha sa amin,” dagdag pa ni Joejet.

Mahigit isang taong nasa freezer sa abandonadong apartment sa Kuwait, pinatay umano sa bugbog nina Assaf at Hassoun si Joanna bago isiniksik sa freezer ang bangkay.

Tinukoy ang autopsy reports, sinabi ni Joejet na sobrang brutal ang ginawa ng mag-asawa sa 29-anyos niyang kapatid.

“Binuhusan nila ng mainit na mantika ang kapatid ko. Bali-bali ang mga buto niya. Talagang gulpi-sarado siya,” ani Joejet.

Nadakip si Assaf nitong Biyernes, isang araw makaraang personal na nakiramay si Pangulong Duterte sa pamilya Demafelis sa Sara. Sabado naman nang maaresto si Hassoun.

Ie-extradite ang mag-asawa patungong Kuwait kung saan sila lilitisin.