Nanawagan si Senator Nancy Binay sa Social Security System (SSS) na suspendihin muna ang planong pagtataas sa buwanang kontribusyon ng mga miyembro, na balak gawing 14 na porsiyento mula sa kasalukuyang 11%.
Aniya, kailangang itigil muna ng SSS ang planong dagdag-kontribusyon, at pag-aralang humanap ng ibang options bago tuluyang itaas ang kontribusyon.
Sinabi ni Binay na ang anumang benepisyo na makukuha ng mga myembro ay nasagasaan na rin ng bagong Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
“Kung ano man ang konting ginhawa dahil sa adjustment sa personal income tax, mawawala rin dahil sa planong itaas ang SSS contribution,” sabi ni Binay. “Ipakita muna ng SSS na tapat silang bigyan ng magandang serbisyo ang kanilang mga miyembro, habulin ang mga delinquent accounts, at bigyang tugon ang mga reklamo ng pensioners at sa mga nag-a-apply ng loan—then, let’s talk business.”
Aniya, nabigo ang SSS na palaguin ang koleksiyon nito dahil na rin sa madalas umano’y kapalpakan ng pamamahala rito.
“Unang-una, pag-aralan po ng SSS kung papaano nito palalakasin ang collection system nito, lalo na sa mga delinquent employers. At sa mga borrower, i-ensure po natin na nakakabayad sila ng loans nila on time,” ani Binay.
Lumabas din sa pagdinig ng Senate committee on government corporations at labor na may 8.3 milyong delinquent member ang SSS, na may utang na P42.7 bilyon, at tinatayang may interes na P25.3 bilyon. - Leonel M. Abasola