Ni Fer Taboy

Anim na miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) at isang sundalo ang nasawi nang magkabakbakan sa Maluso, Basilan nitong Sabado.

Sa report ng Maluso Municipal Police, nangyari ang engkuwentro sa Barangay Muslim Area sa Maluso.

Ilang minuto bago ang bakbakan, nagsasagawa ng combat operation ang mga tauhan ng 68th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army (PA), sa pangunguna ni 1st Lt. Steve Morallos, nang matiyempuhan nila ang hindi pa natukoy na bilang ng mga bandido.

Probinsya

9-anyos na bata, patay matapos makuryente ng tinatayang 20 minuto

Tumagal din ng ilang minuto ang sagupaan, na ikinasawi ng anim na tauhan ng Abu Sayyaf, habang isang sundalo naman ang naiulat na napatay.

Hindi pa rin ibinubunyag ng militar ang pagkakakilanlan ng kasamahan nilang napatay hanggang hindi pa naipapaalam sa pamilya nito ang insidente.

Nakumpiska ng tropa ng pamahalaan sa pinangyarihan ng sagupaan ang isang M-14 rifle, magazine nito, mga bala ng iba’t ibang klase ng baril, at iba pang kagamitan ng bandidong grupo.

Patuloy pa rin ang operasyon ng militar sa lugar laban sa mga bandido.