Ni Fr. Anton Pascual
KAPANALIG, ayon sa datos ng World Bank, mahigit pa sa 50% ng pandaigdigang populasyon ang nakatira sa mga urban areas. Habang nagsisiksikan tayo sa mga siyudad, mayroon ba tayong naiipit o nakakaligtaang mga kababayan? Mayroon ba tayong naiitsapwera?
Buksan natin ang ating mga mata. Sa gitna ng ating kalunsuran, tayo ba ay may naiiwan sa karalitaan?
Sunod-sunod ang pagtatayo ng mga nagtataasang gusali, mga tahanan ng condominiums at opisina sa gitna ng mga nag-uunahang business districts sa ating bansa. Sa gitna ng katayugan na ito, tingnan niyo, may naiwan ba tayo sa karalitaan?
Ayon sa isang pag-aaral ng Housing and Urban Development Coordinating Board noong 2014, tinatayang mga 15% ng kabuuang bilang ng ating urban population ay mga informal settlers. Katumbas ito ng mahigit kumulang na 1.5 milyonh pamilya.
Ang mga informal settlements sa atin ay maraming kinakaharap na problema. Ang mga pamilyang nakatira doon ay karaniwang yakap-yakap ng chronic poverty. Sila rin ay tuwinang bulnerable sa iba’t ibang panganib bunsod na rin ng kalagayan ng kanilang tirahan: marumi, walang tubig, at karaniwang nasa mga danger zones.
Sila ang nahuhulog sa bitak ng ating napakabilis na urbanisasyon. Isipin niyo na lamang, kailangan pa natin ng mga 1.3 housing units, at pagdating ng 2030, lolobo ang pangangailangan sa pabahay hanggang 6.5 milyon.
Ang ating mga siyudad ay hindi “inclusive.” Hindi lahat ay tunay na malayang nakakalahok dito, at hindi lahat ay may boses at puwang sa ating mga siyudad.
Ang ekslusibong karakter ng ating urbanisasyon ay isa sa mga malalaking dahilan kung bakit ang hirap pag-isahin ng mga Filipino. Lumalaki tayong watak-watak, ayon sa laman ng ating mga bulsa.
Sinasabi ng Evangelii Gaudium ng Panlipunang Turo ng Simbahan, kung ang utos ng Diyos na “Huwag pumatay” ay malinaw na nag-uutos sa atin na protektahan at pangalagaan ang buhay, dapat klaro rin sa atin, na susog nito ay ang pagtitiyak na hindi natin hahayaang mamayani ang ekslusyon at hindi pagkapantay-pantay sa bansa. Hamon nito ay solidarity o ang ating pagkakaisa. Kapanalig, isaisip natin: ang tagumpay at kaunlaran ay mas matamis kung sama sama natin itong makakamtan, walang iwanan.