Ni Ben R. Rosario

Inihayag kahapon ng top legislative oppositionist, Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez, na tapos na ang parunggitan nina House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Aniya, dapat na pasalamatan ng mga kaalyado nina Alvarez at Carpio si Pangulong Duterte sa pagbibigay-tuldok sa hidwaan ng malapit na kaibigan at anak nito.

“I am happy that they reconciled. The administration has other bigger problems at hand and a fight between loyal supporters of the president will not be of help. If you read between the lines, Digong refereed and stopped it from getting out of hand,” ani Suarez.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Hindi rin, aniya, nagkomento sa isyu ang mga miyembro ng House supermajority ni Alvarez, na binubuo ng halos 90 porsiyento ng kapulungan.

“I don’t think there will be much of an effect in the House of Representatives. Especially with representatives tasked to deliver legislative targets by SONA (State of the Nation Address),” reaksyon naman ni Lanao del Norte Rep. Khalid Dimaporo, matapos itong kuhanan ng pahayag kung posibleng makaapekto sa kapulungan ang naging pag-atake ng alkalde sa Speaker.

Matapos namang batikusin ang nakababatang Duterte, pinili na lamang ni Alvarez na manahimik sa usapin.

“No comment na ako diyan. Surrender,” sabi ni Alvarez.

Ayon pa sa kongresista, posibleng nabigyan ng maling impormasyon ang alkalde kaugnay ng sinasabi ng iba pang alkalde sa naging pahayag umano ni Alvarez laban dito at sa Pangulo.

Inakusahan ni Carpio si Alvarez ng paglalabas ng mga negatibong pahayag kontra sa pagbuo ng Hugpong ng Pagbabago, isang regional political party na binuo ng alkalde sa tulong na rin ng iba pang political leader.

Kumpiyansa naman si Alvarez na “maaayos din ang kanilang gusot ni Mayor Duterte.”