Ni Clemen Bautista
SA iniibig nating Pilipinas, ang Pebrero 22-25 ay natatangi at mahalagang bahagi ng kasaysayan sapagkat paggunita at pagdiriwang ito ng EDSA People Power Revolution. Ngayong 2018 ay ang ika-32 taon anibersaryo nito. Tampok na panauhing tagapagsalita ang dating Pangulong Fidel V. Ramos, isa sa tatlong protagonista sa Edsa People Power Revolution. Ang dalawang iba pang protagonista ay sina dating Pangulong Cory Aquino at dating Senador Juan Ponce Enrile. Sa pagdiriwang ng ika-32 taon anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, hindi makadadalo ang Pangulong Rodrigo Duterte. Dahilan: may mahalaga raw pupuntahan.
Ang EDSA People Power Revolution ay isang natatanging Himagsikan sa kasaysayan sapagkat walang dugong dumanak at buhay na nautas. Nalagot nito ang tanikala ng diktadurya at napatalsik sa kapangyarihan ang diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos. Nagtungo sa Hawaii kasama ang kanyang pamilya at ilan malapit na miyembro ng gabinete.
Naninirahan ng maraming taon sa Hawaii hanggang sa doon na namatay. Naibalik ang bangkay sa Pilipinas makalipas ang maraming taon. Inihimlay ang bangkay sa isang refrigerated crypt sa Batac, Ilocos Norte. Maraming taon ang lumipas bago mailibing sa Libingan ng mga Bayani. Pinayagan ng Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre 18, 2016. Naging dahilan upang magkilos-protesta ang isang grupo ng kabataan. Nagprograma sa Edsa People Power monument at nagpalipad ng lobong puti na may nakasulat na HUKAYIN. Ang tinutukoyay ang labi ng diktador na si Marcos na inihimlay sa Libingan ng mga Bayani.
Sa EDSA People Power Revolution, ang naging sandata ng mga Pilipino ay pagkakaisa, dasal, imahen ng Mahal na Birhen at mga bulaklak na itinapat sa bibig ng baril ng mga sundalo. Ang EDSA People Power Revolution ay isang sagisag ng pagbabalik ng kalayaan at demokrasya. Ang Himagsikan ay nakatawag ng pansin sa buong mundo. Ang ipinakitang pagkakaisa ng mga Pilipino sa EDSA People Power Revolution ay naghatid sa kanila sa kadakilaan at matibay na pananampalatayang Kristiyano.
Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, ang EDSA People Power Revolution ay nagsimula noong Pebrero 22, 1986, araw ng Sabado nang sina AFP vice chief of staff Fidel V. Ramos ay nagkaisang mag-defect o humiwalay kay Pangulong Ferdinand Marcos. Ang dalawa’y nagkanlong sa Camp Crame kasama ang may 200 sundalo kabilang na rito si Col. Gringo Honasan, aide ni Enrile na Senador ngayon.
May paniwalang ang mitsa ng EDSA People Power Revolution ay ang pagyurak at paglapastangan sa karapatan ng mga mamamayan. Matitiis ng mamamayan ang mga katiwalian ngunit hindi ang pag-insulto sa kanilang dignidad. Sa pagkawala noon ng karapatan ng mamamayan dahil sa pagdedeklara ng Martial Law ng diktador na si Marcos, naramdaman ng mga Pilipino na ang kanilang dignidad ang mismong niyurakan.
Ang EDSA People Power Revolution ay maihahambing sa liwanag sa madilim na bahagi ng ating kasaysayan na lumagot sa tanikala ng panunupil. Ngunit maraming Pilipino ay nalungkot sapagkat ang liwanag ay hindi nagliyab at tuluyang naglagablab na apoy sa mga inaaasahang pagbabago sa gobyerno at lipunan. Isa na sanang magandang pagkakataon.Ngunit nabigo ang inaasahan at hinihintay ng sambayanang Pilipino sapagkat nagpalitan lamang ng mga lider na tulad ng pinatalsik na diktador ang umupo sa poder o kapangyarihan. Ang pamamahala sa gobyerno ay naging rigodon ng mga piling uri, elitista at naghaharing-uri sa lipunan. Nagkanya-kanya ang mga protagonista sa EDSA People Power Revolution upang maging makapangyarihan at magkamal ng yaman. Patuloy ang paglabag sa mga karapatang pantao at ang extra judicial killings.
Ang inyong lingkod na apat na araw na nag-cover sa EDSA People Power Revolution bilang reporter ng DZRH, tulad ng marami nating kababayan ay umasang magkakaroon ng pagbabago. Ngunit ang pag-asa’y naging isang mailap na katuparan.
Sa ngayon, nakatanaw sa kasalukuyang rehimen kung maiaahon na sa paghihikahos ang mga mahirap, busabos at ang mga anak ng dalita sa iniibig natin Pilipinas.