Ni Bert de Guzman

Ngayon ang ika-32 taong anibersaryo ng unang People Power Revolt (Edsa One) na tumapos sa diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at nagpanumbalik sa demokrasya na siniil sa loob ng maraming taon. Mahabang panahon ding umid ang dila ng mga Pilipino. Sila ay naging bingi, bulag at inutil sa ilalim ng martial law.

Mas mabuti pa raw noong panahon ni Marcos, mura ang mga bilihin, mura ang bigas at maganda ang palitan ng piso at dolyar. Pero, napagmuni-muni ba ninyo na ang populasyon ng ating bansa noon ay maliit pa kumpara ngayon. Noon ay 70 milyon lang ang mga Pinoy, ngayon yata ay nasa 110 milyon na. Parang mga daga kung manganak ang ating kababaihan.

Noong kakaunti pa ang mga Pilipino, hindi nagkukulang ng suplay ng bigas. Ngayong sumisikad ang populasyon natin “hanggang langit”, nagkukulang na raw ng bigas kung kaya kailangang umangkat sa Vietnam at Thailand na sa atin lang nag-aral at natuto (UP Los Banos) ng produktibong pagsasaka.

Kugnay nito, hinamon ni Manila 1st district Rep. Manuel “Manny” Lopez ang Duterte administration na maghain ng kasong economic sabotage laban sa pribadong rice traders sangkot sa “rice hoarding at profiteering”.

Ikinalungkot ni Lopez na matagal na niyang naririnig sa mga opisyal ng pamahalaan na kapag umiiral ang umano’y rice shortage, kakasuhan ng economic sabotage ang mga sangkot dito ngunit wala pa siyang nababalitaang nakasuhan.

Hinamon din ni Lopez si Agriculture Sec. Manny Pinol at National Food Authority Administrator Jason Aquino na suyurin ang mga bodega ng umano’y private rice traders na sangkot sa rice hoarding at profiteering.

Hinikayat ng Tondo solon ang lahat na suportahan ang patakaran ni Pangulong duterte na huwag umasa sa importasyon ng bigas. “Magtrabaho tayo ng husto para mawakasan ang pagkukulang ng suplay ng bigas sa bansa na sa katotohanan ay artificial lamang dahil punong puno ang mga bodega ng rice traders”.

“Nararamdaman ng mga constituents ko sa Tundo ang masamang epekto ng pagkukulang ng suplay ng bigas mula sa NFA na sinasamantala naman umano ng pribadong rice traders na itago at imanipula ang presyo nito”, ayon kay Lopez.  

    

Dagdag pa ni Lopez, Vice Chair ng House committee on Metro Manila Development, patuloy na tumatanggap ng reklamo at sumbong ang kanyang tanggapan na may 13 pribadong rice traders sa kanyang distrito na punong puno ng bigas ang mga bodega sa kabila ng mga ulat na pagkukulang ng suplay ng bigas.

Tama si Rep. Manny na kasuhan ng economic sabotage ang mga tiwali, ganid at mapagsamantalang negosyante ng bigas.

Isipin ninyong nagugutom ang mga ordinaryong tao, subalit sila naman ay busog na busog sa tubo at pera. Well, hindi naman ninyo madadala sa libingan ang inyong kayamanan!