GINUGUNITA ngayon ng bansa ang EDSA People Power Revolution noong Pebrero 22-25, 1986. Ito ay nang igiit ng mga sibilyang taumbayan ang isang rebolusyong walang karahasan na nagresulta sa pagkakatalsik sa puwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos at pagbagsak ng kanyang diktaduryang nagsimula pa noong ideklara niya ang batas militar taong 1972.

Sa tinukoy na panahon noong Pebrero, dinagsa ng mahigit dalawang milyong mamamayan ang Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), partikular na ang lugar sa pagitan ng Camp Crame at Camp Aguinaldo ngunit sinakop pa ng mga ito ang lugar pa-Cubao sa hilaga, at pa-Ortigas sa timog.

Noong 1983, tatlong taon bago ito maganap, binaril at napaslang ang opposition leader na si Senador Benigno Aquino, Jr. bago pa man siya makatapak sa airport tarmac, ng mga sundalong umaalalay sa kanya sa pagbaba sa eroplano. Sa unang araw pa lamang ng martial law noong 1972, siya ay inaresto, nilitis at hinatulan ng military court, ikinulong ng pitong taon, gayunman, pinayagan pa rin siyang magtungo sa Amerika upang maipagamot ang kanyang puso. Noong 1983, nagpasya siyang bumalik ng bansa.

Ang pagkakapaslang sa kanya ay nagbigay sa pag-aaklas na walang katulad sa iba pang kaganapan sa panahon ng diktadurya. Ngunit noong 1986 lamang, na ilang taon na ang lumipas, agtipun-tipon ang mamamayan sa EDSA alinsunod na rin sa panawagan ni Jaime Cardinal Sin, kung saan naroroon din ang dalawang dating lider ni Marcos—sina Gen. Fidel V. Ramos at Defense Secretary Juan Ponce Enrile upang ihayag ang kanilang pagtiwalag sa pangulo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagpadala rin ng mga tangke si Pangulong Marcos pero tumanggi ang mga sundalo na gamitin ang mga ito sa mga nagpoprotesta. Naging patok din sa buong mundo ang litrato ng mga madre na may mga hawak na rosas na iniaalok sa mga sundalong nakapuwesto sa mga tangkeng nakaharang. Nanawagan na rin si United States President Ronald Reagan na bumaba na sa puwesto si Marcos kasunod na rin ng pagdagsa ng mamamayan sa EDSA sa bawat araw. Noong Pebrero 25—eksaktong 32 taon na ngayong araw—napagtanto na rin ni Marcos na tapos na ang kanyang panahon at pumayag na siyang lisanin ang bansa. Isa iyong payapang rebolusyon na nagdulot ng maraming epekto sa ibang mga bansa at naging sandigan nila sa pagsusulong ng kani-kanilang demokratikong pamahalaan.

Umabot din ng matagal na panahon bago nanindigan ang mga mamamayan, bitbit ang kanilang mga anak sa pagtungo nila sa EDSA. Walang karahasan. Walang pamamaril. Simple lang, nakatayo lamang ang mamamayan sa harap mismo ng mg tangke. At sa kabilang panig, naghihintay ang mga tropa ng pamahalaan ngunit ayaw nilang paputukan ang nagtipun-tipon na mamamayan. Sumasalamin lamang na mabait pa rin ang mga Pilipino sa kabila ng mga pag-aalsa. Sa loob ng limang araw ng Pebrero, nagkaisa ang mamamayan at mga sundalo. Dito makikita ang pagkakaiba ng EDSA sa iba pang pag-aalsa sa buong mundo.

Kasabay ng paggunita natin sa malaking okasyon sa ating kasaysayan, dapat pa rin nating pagtuunan ng pansin ang mga binitawang salita ni dating Pangulong Ramos—ang kaparehong General Ramos sa EDSA noong 1986: “True enough, regime change was achieved nonviolently through the power of the people. Filipinos however should no longer count on ‘People Power’ confrontations to effect structural changes because these can be violent and bloody…. Instead we Filipinos must now strengthen our democratic institutions…”

Huwag na nating naisin na magkaroon pa ng panibagong EDSA People Power kailanman. Ang mga mamamayan ay namulat na noong 1986 dahil na rin sa isang diktaduryang pamahalaang tumagal ng 14 na taon. Hindi na natin nanaising magkaroon pa ng kahalintulad na sitwasyon kung saan naisantabi ang demokratikong proseso ng ating bansa.