Ni Gilbert Espeña
MAGBABALIK sa ibabaw ng lona si two-time world title challenger Michael “Hammer Fist” Farenas laban kay dating WBC Latino featherweight champion Guadalupe Rosales ng Mexico para sa Canadian Professional Boxing Council Lightweight International Championship sa Abril 7 sa Gray Eagle Resort & Casino sa Calgary, Alberta, Canada.
Huling lumaban ang tubong Gubat, Sorsogon na si Farenas noong Hunyo 1, 2017 na pinatulog niya sa 3rd round si Mexican Martin Angel Martinez sa The Hangar, Costa Mesa, California.
Dating featherweight champion ng Pilipinas si Farenas na nagtangkang maging kampeong pandaigdig nang hamunin si ex-WBA super featherweight champion Takashi Uchiyama pero nauwi sa kontrobersiyal na 7th round technical draw ang laban noong Hulyo 16, 2012 sa Kasukabe, Japan.
Muling lumaban si Farenas para sa interim WBA super featherweight title noong Disyembre 8, 2012 pero tinalo siya sa puntos ni Cuban Yuriorkis Gamboa sa sagupaan sa Las Vegas, Nevada.
Itinuturing namang journeyman si Rosales na kung saan-saan lumalaban at may kartadang 34 panalo, 14 na talo na may 18 pagwawagi sa knockouts.
“I am very excited to be fighting for a the CPBC title,” sabi ni Farenas sa Philboxing.com. “I am rebuilding my career and know I have a great run left in me. I know that I am capable of winning several big fights with this being the start. I love the sport of boxing and want to create a lasting memory when people say my name, and this fight against Guadalupe Rosales will be one of those moments. I’m dedicating this fight to all my people back home in the Philippines.”
Hindi pa natatalo via knockouts si Farenas kaya kinatatakutan siya sa lightweight division sa kartadang 42-5-4 na may 34 panalo sa knockouts.